Umakyat si Jesus sa bundok. Ilang ulit nating mababasa ito sa ebanghelyo. Umakyat siya para magdasal. Umakyat siya para harapin ang tukso, para mangaral, para ihanda ang sarili sa pagdurusa, para ipako sa krus, para mabuhay na muli. At espesyal para sa ating parokya: si Jesus umakyat sa bundok para magbagong anyo.
Ano ba ang meron sa bundok? Ano ang hiwagang dala ng bundok? Sa banal na kasulatan ang bundok ay lugar ng presensya ng Diyos. Ang sampung utos ng Diyos ay ibinigay kay Moises sa bundok. Si Elias ay iniakyat sa alapaap habang nasa bundok. Si Jesus umakyat sa langit habang nasa bundok.
Ang bundok ay espesyal na lugar ng pakikipagtagpo ng tao sa Diyos. Kaya pala maraming retreat house sa Baguio. Kaya pala masarap manalangin sa Tagaytay. Bukod sa maganda ang klima, hanggang ngayon, tagpuan pa rin ng Diyos at tao ang bundok.
Pero puede namang hindi pisikal ang tagpuang ito. Puede namang hindi pisikal ang bundok. Hindi naman kailangang mag-Baguio o mag-Tagaytay para lamang makipag-usap sa Diyos. Itong simbahang ito puede maging bundok, kung saan puede nating makatagpo ang Diyos. Itong parokyang ito puede maging bundok kung saan puede tayong magbagong anyo at marinig ang tinig ng Ama.
Kapag bago pumasok sa opisina, o sa eskuwela, o magpunta sa palengke ay naglalaan tayo ng panahon para magsimba o dumaan dito sa simbahan, bilang paghahanda sa maghapon, ang simbahang ito ang ating bundok. Kapag lumuluhod tayo dito sa harap ng tabernakulo at humihingi ng lakas para mapaglabanan ang tukso, para huwag maligaw ng landas, ang simbahang ito ang ating bundok. Kapag nagbubukas tayo ng puso at kalooban sa bawat pagdiriwang ng misa upang maitanim ang punla ng pagbabago at katapatan, ang simbahang ito ang ating bundok.
Hindi na kailangang lumayo. Kailangan lang pumasok… sa simbahang ito. Kung si Jesus ay umakyat ng bundok upang manalangin, mangaral, magbagong anyo, harapin ang krus, at muling mabuhay, tayo ay may simbahan para maging bundok ng pakikipagtagpo kay Jesus. Para sa ating mga taga-Barangay San Roque ang simbahang ito ang ating bundok. Sa simbahang ito naghihintay ang Diyos para tayo'y pumasok at makipagtagpo sa Kanya.