Noong itinalaga ang simbahang ito noong 1993, isang panalangin ang dinasal sa loob ng lugar na ito. Ito po yung tinatawag na “Prayer of Dedication.” Maraming bagay ang sinasabi sa panalangin iyon pero ang isang mahalagang nabanggit ay ito: “Here is reflected the mystery of the Church.”
Ibig sabihin, dito sa simbahang ito, sa lugar na ito, nasasalamin ang misteryo ng ating pagiging sambayanan ng Diyos. Kaya kapag tiningnan natin ang simbahang ito, dapat makita natin kung sino tayo bilang isang pamayanan.
Ang simbahang ito ay hindi puedeng maging maayos na simbahan kung puro haligi lang, o kung puro poste lang, o kung puro bintana lang, o kung puro bubong lang, o kung puro hagdanan lang. Kahit iba’t ibang elemento, pinag-sama-sama sa isang maganda at maayos na simbahan.
Ganyan din po tayo bilang isang pamayanan. Para maging buhay na parokya hindi puedeng nakasalalay lang sa isang tao.
Hindi puedeng pari lang.
Hindi puedeng mga matatanda lang.
Hindi puedeng mga nanay lang.
Hindi puedeng yung mga dati lang.
Iba-iba man tayo ng ugali, kakayahan at katayuan sa buhay, lahat tayo ay pinagbuklod sa iisang Panginoon, sa iisang bingyag, sa iisang komunidad, sa iisang pamilya ng Diyos, at sa iisang misyon ni Kristo.
Kung paano ang simbahang ito ay itinayo hindi lamang ng isang tao, kundi sa dugo at pawis ng isang buong pamayanan, ang isang buhay na prokya ay maitataguyod lamang kung tayo po ay sama-sama.
Kaya, lubos po ang pasasalamat ko sa inyong lahat sa walang sawa ninyong pakikiisa sa buhay at mga gawain ng ating simbahan. Nitong nakaraang taon, nakaktuwa po, maraming mga bagong mukha akong nakita na naging aktibo at naging tagapaglingkod sa ating parokya. Ito po ay malinaw na tanda na ang Espiritu ng Diyos ay sumasaatin at patuloy na nagbibigay ng buhay sa atin. Sa mga bagong mukha sa iba’t ibang organisasyon at ministries ng ating parokya, palakpakan po natin sila.
Tandaan po natin, ang ganda ng simbahang bato ay nagniningning at tumitingkad sa pagkakaisa ng simbahang tao. Ang lugar na ito ay tunay na tahanan ng Diyos kung sa puso ng mga nagkakatipon dito ay nanahan ang Diyos.
Maraming salamat po!
Mabuhay ang Panginoong Nagbagong Anyo!
Happy Fiesta po sa inyong lahat!