20th Sunday in Ordinary Time
Sa ebanghelyo ngayon:
Babaeng taga-Cananaan: (Malakas na sinabi kay Jesus. Pasigaw) “PANGINOON, ANAK NI DAVID, MAHABAG PO KAYO SA AKIN! Ang anak kong babae ay inaalihan ng demonyo at masyadong pinahihirapan.”
Mga alagad: (Lumapit kay Jesus. Inis na inis) Pagbigyan na nga po ninyo at nang umalis. Siya’y nag-iingay at susunod-sunod sa atin.”
Jesus: (Gaputok man ay hindi tumugon si Jesus.) --------------------------- .
Silence. Walang sagot. Tahimik lang. Marahil naranasan na nating magdasal at pakiramdam natin walang sagot ang Diyos. Tahimik lang. Deadma. Hindi nakikinig. Busy. May ibang ginagawa. O kaya walang pakialam.
Merong isang paring nagsabi:
When our prayer is not right, God says NO.
When our timing is not right, God says SLOW
When our heart is not right, God says GROW.
When the prayer is right,
when the timing is right,
when the heart is right,
then God says GO.
Lahat ng panalangin sinasagot ng Diyos.
Kapag ang hinihingi ay hindi tama, ang sagot ng Diyos, HUWAG NA.
Kapag ang panahon ay hindi tama, ang sagot ng Diyos, HUWAG MUNA.
Kapag ang kalooban natin ay hindi tama, ang sagot ng Diyos, MATUTO PA.
Pero kapag ang hinihingi ay tama,
kapag ang panahon ay tama,
at kapag ang kalooban ay tama,
ang sagot ng Diyos ,SIGE NA.
Sa mga pagkakataong nagdarasal tayo sa Diyos, may tanong tayo, o may hinihingi, at tila wala siyang sagot, tahimik lang, iyon ay dahil meron siyang gustong mangyari. Gusto niyang maitama ang hinihingi, tumugma ang panahon ng paghingi, at maging tama ang kalooban ng humihingi. At kapag nangyari na ang dapat mangyari, maririnig din natin ang sagot ng Diyos, SIGE NA.