Nung bata ako mahilig ako sa laruang binubuo, o yung tinatawag na lego. Hanggang ngayon meron akong koleksyon ng mga lego sa kuwarto. Kaya kapag duamarating ang mga pamangkin ko, alam nila puede nilang paglaruan, pero hindi nila puedeng kalasin.
Nung minsan, isang pamangkin ko, mga 5 taong gulang. Pinaglaruan yung lego ko. Kinuha. Nakita ng ng nanay niya [kapatid ko]. Sabi ng nanay niya, "Bago mo paglaruan, magpaalam ka muna sa ninong mo." [Ako yung ninong niya.] Kinuha ng bata yung laruan, nagpunta sa akin at sabi, "Ninong, paalam." Nagtawanan kaming lahat.
PAALAM. Ito ang sinasabi natin kapag tayo ay aalis. Ito ang ginagawa kapag may maghihiwalay. Sa ebanghelyo natin ngayon, dahil si Jesus ay aakyat sa langit, siya ang nagpapalam sa kanyang mga alagad. Isang pagpapaalam na nag-iiwan ng misyon. Dahil si Jesus ay hindi na makakasama ng mga alagad pisikal, ang mga alagad na ang magtutuloy ng kanyang sinimulan. "Humayo kayo," sabi ni Jesus. Ang sinimulan ni Jesus, ang mga apsotol na ang magtatapos. Pero hanggang ngayon hindi pa tapos ang misyon, dahil ang sinimulan ni Jesus na pinagpatuloy ng mga apsotol, kailangan tayo naman ang magpatuloy.
Mas madali ang tumanggap ng tumanggap, pero ang tunay na alagad ni Jesus marunong magbahagi ng kanyang tinanggap. Mas masarap ang maupo na lang at manuod, pero ang tunay na alagad ni Jesus marunong tumayo at maglingkod. Mas madali ang sarili na lang ang isipin; ang sariling pamilya lang ang isipin, pero ang tunay na alagad ni Jesus iniisip ang makakabuti sa nakakarami.
Oo, hindi na natin kasama si Jesus pisikal, subalit ang kanyang espiritu ay sumasaating lahat na bininyagan sa kanyang pangalan. Sinimulan ni Jesus ang pagliligtas, inaasahan niyang itutuloy nating lahat. Huwag lang tanggap ng tanggap. Huwag lang maupo. Huwag lang manuod. Huwag lang sarili ang isipin. Kung itututloy natin ang sinimulan ni Jesus kailangan nating magbahagi, tumayo, makialam at isipin ang makabubuti sa pangkalahatan.
"Humayo kayo," sabi ni Jesus. Humayo kayo at maging Jesus ng kasalukuyang panahon!