Friday, May 9, 2008

LAHAT TAYO NANAY: NAGBIBIGAY NG BUHAY AT NAGBIBIGAY NG LIWANAG

Ang ika-11 ng Mayo ay dakilang Kapistahan ng Pentekostes, ang palukob ng Espiritung Banal sa mga apostol. Sa taong ito, ito rin ang araw para sa mga Ina, o Mother’s Day. Kaya ang tanong ko sa sarili ko: ano ang pagkakatulad ng mga nanay sa Espiritu Santo? Dalawang bagay po.

Una, ang Espiritu Santo at ang nanay ay nagbibigay buhay. Sa ebanghelyo ngayon nang ipinangako ni Jesus ang Espiritu Santo sa kanyang mga apostol sabi ni San Juan, “Sila ay hiningahan niya.” Kung ating matatandaan nang likhain ng Diyos ang unang tao, siya ay kumuha ng putik at ito ay kanyang hiningahan. Ang hininga ng Diyos ay tanda ng pagbibigay buhay ng Espiritu Santo. Ganun din naman sa mga nanay, alam nating lahat na ang sinapupunan ng mga Ina ang nagbigay ng buhay sa atin. Utang natin ang ating buhay sa sinapupunan ng ating nanay. Kung paano nagbibigay ng buhay ang Espiritu Santo, ang nanay din nagbibigay ng buhay.

Pangalawa, ang Espiritu Santo at ang nanay ay nagbibigay ng liwanag. Madalas ang tawag natin sa mga nanay, ilaw ng tahanan. Sa unang pagbasa ngayon nang lukuban ang mga alagad ng Espirtu Santo nakita ng mga alagad ang pagbaba ng mga dilang apoy. Ilaw at apos, parehas nagbibigay ng liwanag. Kung paano ang Espiritu Santo ay nagbigay ng liwanag sa mga alagad, ang nanay din ay inaasahang magbigay ng liwanag sa kanyang pamilya sapagkat siya ang ilaw ng tahanan.

Sa aming pamilya, ang nanay ko ang mas madaldal kumpara sa tatay ko na tahimik lang. Mas maboka ang nanay ko. Nung bata ako, ang nanay ko ang nakikipag-usap sa mga titser ko kapag ipinapatawag sila sa paaralan. Ang nanay ko ang nakikipag-away sa waiter kapag hindi tama ang hinahain sa amin sa restaurant. Ang nanay ko ang unang nakikipag-kaibigan sa aming mga kapitbahay. At hanggang ngayon kapag meron silang gustong sabihin sa akin, ang nanay ko ang nakikipag-usap sa akin. Sa palagay ko nakuha ko sa nanay ko ang galing sa pagsasalita.

Ang buhay ko utang ko sa sinapupunan ng nanay ko, at sa kanyang mga salita patuloy siyang nagbibigay ng liwanag sa akin. Tulad ng Espiritu Santo, ang mga nanay nagbibigay ng buhay at nagbibigay ng liwanag.

Kung ating iisipin, hindi lang pala mga nanay ang dapat nagbibigay buhay at nagbibigay ng liwanag. Dapat tayong lahat. Kaya kung tutuusin, lahat tayo kailangan maging nanay. Lahat tayo inaasahang magbigay buhay, magbigay ng pag-asa, magbigay ng sigla sa buhay. Lahat tayo ay inaasahang magbigay ng liwanag, magbigay ng direksyon, magbigay ng mabuting halimbawa sa isa’t isa.

Tungkulin ng bawat Kristiyano na magbigay ng sigla sa buhay. Tungkulin ng bawat Kristiyano ang magbigay ng liwanag sa landas ng katapatan sa kalooban ng Ama.

In one way or another, we are all called to be mothers – giver of life and light. And when we are able to give life and light, we are sure that the Holy Spirit is working through us.

May the Holy Spirit dwell in you always and Happy Mother’s Day to all!

HAPPY MOTHER'S DAY MAMA!