Saturday, March 29, 2008

PEACE / KAPAYAPAAN

Sumainyo ang Kapayapaan!

Yan ang bati ni Jesus sa kanyang mga alagad. Kapayapaan ang pagpapalang dulot ng muling pagkabuhay ni Kristo.

Kung mapapansin ninyo lagi-lagi, halos taun-taon, sa mensahe ng Santo Papa para sa Easter Sunday lagi binabanggit ang mga lugar na nangangailangan ng kapayapaan. Noon lagi nababanggit ang Russia, o ang Haiti, o Afghanistan. Ngayong taung ito sa Easter message ni Pope Benedict XVI, pinaalala niya ang mga lugar na nangangailangan ng kapayapaan, tulad ng Darfur, na nasa Sudan, Africa [civil war], sa Holy Land, sa Iraq, at sa Lebanon, at lalung higit sa Tibet, [fight for independence].

Para sa mga Hudyo ang Kapayapaan o Shalom ay nangangahulugan ng dalawang mahahalagang bagay – maayos na relasyon sa kapwa at maayos na relasyon sa Diyos.

Kaya sa ebanghelyo natin ngayon pagkatapos bumati ni Jesus ng Kapayapaan, kanyang sinabi, “Ang kasalanang patawarin ninyo ay pinatawad na nga.” Pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin, pakikipagkasundo sa pamilya, mga kapatid, kaibigan, kapitbahay, katrabaho, pagmamahal sa kaaway – ito ang daan sa tunay na kapayapaan. Hindi paghihiganti, pakikipag-away, pananakit. Ang kapayapaan ay uusbong sa maayos na relasyon sa kapwa.

Sa ebanghelyo din, pagkatapos anyayahan ni Jesus na huwag nang magduda si Tomas bagkus manalig sa kanyang muling pagkabuhay, nagpakumbaba si Tomas at sinabi, “Panginoon ko at Diyos ko.” Ang ilan sa atin ay may pagtatampo sa Diyos, may mga tanong, may mga pagdududa. Subalit ang tunay na kapayapaan ay uusbong sa maayos na relasyon sa Diyos na naka-ugat sa matibay at malalim na pananalig at pagtitiwala sa kanya.

We all want peace. Everybody, every nation, want peace. But without genuine reconciliation there can never be genuine peace.

Sa ikalawang linggo ng muling pagkabuhay ni Kristo, Kapayapaan ang pagpapalang handog sa atin. Kapayapaang naka-ugat sa maayos na relasyon sa isa’t isa at maayos na relasyon sa Diyos.