Thursday, March 20, 2008

GAYAHIN ANG GINAWA NI HESUS [Huwebes Santo]

Minsang araw ng Linggo, pagkatapos kong magmisa ng tatalong beses, pagkatapos ng ilang mga meeting na halos magkasabay-sabay, umakyat ako ng kumbento pagod at gutom. Sa aming la mesa may adobo at yema. Kumain ako. At sabi ko sa sarili ko, “Ito ang adobo. Kasing lasa ng luto ng adobo nanay ko.” Tapos, kumain ako ng yema. Sabi ko sa sarili ko, “Ito ang yema. Kasing lasa ng yema na tinitinda ng nanay ko.” Tapos biglang kong naisip, nandito ba ang nanay ko. Tinanong ang mga kasama ko kung dumating ang nanay ko. Oo daw. Dumating at dumeretso sa kuwarto ko. Pag-akyat ko sa kwarto nandun nga ang nanay ko. Hindi pa raw siya kumakain dahil hinihintay niya ako. At tama ang iniisip ninyo, siya nga ang may dala ng adobo at ng yema.

Kung tatanungin ko kayo: ano ang ala-ala ninyo ng isang masayang pamilya? Di ba may kasamang kainan? Kung tatanungin ko kayo: ano ang ala-ala ninyo ng isang masayang pagkakaibigan? Di ba may kasamang kainan? Kung tatanungin ko kayo: ano ang ala-ala ninyo ng isang masayang komunidad o parokya? Di ba may kasamang kainan?

Anumang ala-alang masaya, maging sa pamilya man, o sa pagkakaibigan o sa pamayanan, laging may kasamang kainan. Ganyan din ang Huling Hapunan – isang ala-alang masaya. Sabi sa ebanghelyo ni Mateo at Marcos, bago nila lisanin ang Huling Hapunan sila ay nag-awitan ng mga awitin ng pasasalamat.

Subalit ang Huling Hapunan ay hindi lamang ala-alang masaya, para sa mga alagad, ito rin ay ala-ala ng isang mabigat na hamon. Sa ebanghelyo natin ngayon ayon kay San Juan, isang paanyaya ang iniwan ni Jesus. Pagkatapos hugasan ni Jesus ang mga paa ng kanyang mga alagad, sabi niya: Kung anung ginawa ko, gawin din ninyo! Kung paano si Jesus nagpakumbaba, magpakumbaba din kayo. Kung paano si Jesus hindi nagpakamataas, huwag din kayong magpakamataas. Kung paano si Jesus naglingkod, maglingkod din kayo. Kung paano si Jesus hindi inisip ang sasabihin ng iba, huwag nyo ring isipin ang sasabihin ng iba. Kung paano ibinigay ni Jesus ang kanya sarili sa pagmamahal, ibigay din ninyo ang inyong sarili sa pagmamahal.

Ngayong gabi gagayahin ko ang ginawa ni Jesus sa huling hapunan – huhugasan ko ang mga paa nitong labing apat na kinatawan ng pitong area ng ating parokya. Hindi po kailangang labing dalawa, dahil hindi naman sila kinatawan ng mga apostol. Kaya nga hindi kailangan mag-costume. Hindi kailangang magmukha silang mga apostol. Sila ay mga kinatawan ninyo.

May mga pari na pagkatapos maghugas ng paa ay pinapahugas din ng mga paa ang mga nagsisimba. Hindi ko po yan gagawin ngayon dahil naniniwala ako na ang paggaya ninyo sa ginawa ni Jesus ay wala dito sa loob ng misa, o sa loob ng simbahan. Pagkatapos kong gayahin ang ginawa ni Jesus, tungkulin ninyong paglabas ninyo ng simbahan, pagbalik ninyo sa inyong mga tahanan, sa inyong mga kapitbahayan, gayahin ang ginawa ni Jesus. Sa inyong tahanan at sa inyong kapitbahay nandoon ang tunay na hamon na gayahin ang ginawa ni Jesus. Doon gayahin ang pagpapakumbaba ni Jesus. Doon gayahin ang hindi pagmamataas ni Jesus. Doon gayahin ang paglilingkod ni Jesus. Doon gayahin ang hindi pakikinig sa sasabihin ng iba. Doon gayahin ang pagbibigay ni Jesus ng kanyang sarili sa diwa ng pagmamahal.

Ang Huling Hapunan, oo , isang masayang ala-ala, pero isang ala-alang patuloy tayong hahamuning gayahin ang ginawa ni Jesus - magpakumbaba, huwag magmataas, maglingkod, magbigay ng sarili sa diwa ng pagmamahal.

Si Jesus hinugasan ang paa ng kanyang mga alagad. Ako, huhugasan ko ang paa ng inyong mga kinatawan. Kayo, ganun din ang gawin ninyo paglabas ninyo ng simbahang ito.