Friday, January 4, 2008

EPIPHANY

Epiphany. Pagpapakita. Pagpapakilala.

Nagpakilala ang Diyos bilang Emmanuel. Siya ay Diyos na sumasaatin, kapiling natin, kasama natin, tulad natin. Hindi siya malayo. Hindi siya nanonood. Hindi siya nagtatago. Ang Diyos na sa atin.

Minsan daw ay nagpupulong ang mga demonyo. Pinag-uusapan nila kung saan nila itatago ang Diyos para hindi makita ng tao. Sabi ng isa, “Itago natin ng pinakamataas na ulap, hindi siya makikita dun ng tao.” May tumutol, “Hindi, darating ang araw mararating ng tao ang pinakamataas na ulap at makikita nila ang Diyos.” Sabi ng ikalawa, “Itago ng pinakamataas na bundok, hindi siya makikita dun ng tao.” May tumutol ulit, “Hindi, darating ang panahon mararating ng tao ang pinakamataas na bundok at makikita niya ang Diyos.” Sabi ng ikatlo, “Itago natin sa pinakamalalim na dagat, hindi siya makikita dun ng tao.” May tumutol din, “Hindi, darating ang panahon na mararating ng tao ang pinakamalim na dagat at makikita nila ang Diyos.” Sabi ng ika-apat, “Eh saan natin itatago ang Diyos?” Sabi ng isa, “Alam ko na itago natin sa likod ng mukha ng tao. Sigurado hindi siya makikita dun ng mga tao.” At hanggang ngayon hirap pa rin ang tao na makita ang Diyos sa mukha ng kanyang kapwa.

Nagpakita ang Diyos. Nagpakita siya bilang isang sanggol, isang taong katulad nating lahat. Nagpakilala siyang kasama natin hanggang sa wakas ng panahon. Kaya nga sabi niya, “Anuman ang gawin ninyo sa maliliit nyong kapatid ay ginawa nyo na sa akin.” Ang gawin natin sa ating kapwa ay ginawa na rin natin kay Jesus.

Ang tatlong haring mago habang naghahanap sa hari ng mga Hudyo, nakatingin sa bituin. Nakatingala. Naghahanap sa langit. Pero saan natagpuan si Jesus? Hindi sa kalangitan kundi sa sabsaban. Hindi kailangang tumingala. Kailangang ibaba ang pagkatingala, dahil ang Diyos bumaba dito sa lupa.

Sa paghahanap sa Diyos hindi kailangang tumingala dahil wala siya sa alapaap. Tulad ng mga haring mago, kailangang ibaba ang pagkatingala, kailangang magpakumbaba dahil ang Diyos ay nasa ating kapwa. Ang Diyos nakatago sa mukha ng ating kapwa.

Si Jesus, nakilala ng tatlong haring mago. Si Jesus nakilala ng mga pastol. Tayo, makilala kaya natin si siya?