Saturday, July 14, 2007
Lubus-lubusin mo na
Meron tayong kasabihan sa Tagalog, "Kung tutulong ka, lubus-lubusin mo na." Ito ang isa sa mga aral na itinuturo sa atin ng kuwento ng Mabuting Samaritano. Paano ba tumulong ang Samaritano?
Ang Samaritano hindi lamang nagbigay ng pera at sinabi, "O magpagamot ka." Hindi lang siya naghanap ng doktor para tulungan ang nakahandusay sa daan. Ano ang kanyang ginawa? Binuhusan ng Samaritano ng langis at alak ang sugat ng nakahandusay at tinalian. Isinakay sa sinasakyang hayop. Dinala sa bahay-panuluyan at inalagaan doon. Sinamahan magdamag. Kinabukasan binayaran ang bahay-panuluyan. Ibinilin ang sugatan at nangakong babalik para bayaran ang anu pang gagastusin para sa pag-aalaga sa sugatan. Kung hindi lubusang pagtulong ang tawag dito hindi ko na alam kung ano.
Kaya hindi ako naniniwala sa dole-out na pagtulong. Iyung pagbibigay ng bigas, lucky me at delata pag pasko at pag hindi na pasko wala na. Hindi lubusang pagtulong yan. May pagtulong na minsanan lamang, may pagtulong na lubusan. Mahirap na nga ang tumulong ng minsanan, lubusan pa kaya.
Kaya bilib ako sa Gawad Kalinga. Hindi lang sila nagbibigay ng pera para ipangpagawaw ng bahay, sila mismo kasamang gumagawa ng bahay. Tinutulungan pa nila ang mag-asawa sa kanilang pagsasama, sa tamang pagpapalaki ng mga anak, at inoorganisa ang komunidad para makapamuhay ng maayos. Yan ang lubos na pagtulong.
Kaya ako bilib din ako sa feeding program ng Pondo ng Pinoy. Iyung iba nagfee-feeding program once a month, o pag may okasyon lang. Pero sa Pondo ng Pinoy, anim na buwan, Lunes hanggang Biyernes, papakainin ang mga bata at may katesismo pa ang mga magulang.
Bilib ako sa scholarship natin dito sa parokya, dahil hindi lang nagbibigay ng baun sa mga bata, may pagtututor pa, may mid-year evaluation ang mga bata, may house visitation pa para kamustahin ang mga bata at ang kanyang pamilya.
Mag kapatid, mabuti ang tumulong ng minsanan pero mas mabuti ang tumulong ng lubusan. Ipinapaalala sa atin ng Panginoon sa kuwento ng Mabuting Samaritano na kung tutulong ka lubus-lubusin mo na. Dahil lulubusin din naman ng Diyos ang biyaya niya.