Saturday, August 29, 2009

Huwag Magpapadala...

22nd Sunday, Ordinary Time, Year B

Sa ebanghelyo ngayon narinig natin ang pag-uusap ni Hesus at ng mga Pariseo tungkol sa kalinisan. At kasama sa isyu ng kalinisin ay kung ano ang nagpaparumi sa tao. At ito ang sabi ni Hesus: Hindi ang pumapasok sa bibig ng tao ang nakapagpaparumi sa kanya sa mata ng Diyos kundi ang mga nagmumula sa kanya.

Malinaw ang sinabi ni Hesus na ang kasamaan na nagpaparumi sa tao ay hindi nagmumula sa mga panlabas na kadahilanan, bagkus nagmumula sa loob, nagmumula sa puso, kung saan nagmumula ang isipang nag-uudyok sa kanya na magkasala at hindi sumunod sa utos ng Diyos.

Madalas kapag tayo ay nagkamali o nagkasala ang una nating ginagawa ay ang maghanap ng dahilan o masisi na nasa paligid natin, nasa labas natin. Kaya kapag tinanong mo: Bakit ka nangongopya? Eh kasi lahat ng mga kaklase ko nangongopya eh. Bakit ka tumatanggap ng lagay? Eh kasi lahat ng katrabaho ko tumatanggap ng lagay eh. Bakit ka kumukuha ng hindi sa iyo? Bakit ka nagnanakaw? Eh kasi lahat ng mga kaibigan ko nagnanakaw eh. Bakit ka nangangaliwa? Eh kasi lahat ng mga kabarkada ko nangangaliwa eh. Bakit ka nagdrodroga? Eh kasi lahat ng nasa kalye namin nagdrodroga eh.

Oo puede tayong madala ng mga taong nakapaligid sa atin. Yung pakikisama puedeng maging pakiki-sama. Pero sabi ni Santiago sa ikalawang pagbasa: itinanim ng Diyos ang kanyang salita sa ating mga puso. Naitanim na ng Diyos ang kanyang mga utos sa ating mga puso. Kaya ang hindi pagsunod sa Diyos ay hindi nanggagaling sa labas, bagkus nagmumula sa isang pusong ayaw tupdin ang itinanim ng Diyos.

Kaya kahanga-hanga ang mga taong kahit nandaraya na ang lahat, siya gagawin pa rin kung ano ang tama. Nagnanakaw na ang lahat, siya hindi pa rin kukunin ang hindi kanya. Nagsisinungaling na ang lahat, siya sasabihin pa rin kung ano ang totoo. Yan ang tunay na kabutihan; isang kabutihan nagmumula sa loob, nagmumula sa puso.

Nasa puso na natin ang utos ng Diyos. Nasa puso na natin kung ano ang mabuti. Ang hamon sa atin ay huwag magpadala sa pakikisama. Huwag magpadala sa pakiki-sama.