Saturday, August 8, 2009

SAKRIPISYO

Homily delivered on the 8th day of the Novena
Transfiguration of Our Lord Parish
August 7, 2009

Siguro marami sa atin, nakatutok sa TV nung Miyerkules, lalu na nung Miyerkules ng hapon. Nakita natin ang pagkarami-raming tao ang naghintay at nagpaulan para sa libing ni Cory Aquino. Habang nanonood nagkaroon po ako ng pagninilay. Sabi ko sa sarili, “ang sakripisyo, sa bandang huli, mamumunga ng mabuti.” Sacrfice will always bear fruits of goodness.

Maraming isinakripisyo si Cory: sakripisyo niya kay Ninoy, sakripisyo niya sa pagiging politiko, sakripisyo niya kay Kris Aquino, at sakripisyo niya sa kanyang sakit. Ito lang yung mga alam natin. Sigurado marami pa tayong hindi alam. Pero nung Miyerkules, nakita natin ang bunga ng kanyang sakripisyo. Tunay nga na ang sakripisyo, sa bandang huli namumunga ng mabuti.


Tamang tama ang ebanghelyo natin ngayon, “Kung ibig ninumang sumunod sa akin, limutin niya ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.” Hindi ba sakripisyo ang paglimot ang nauukol sa sarili upang unahin ang nauukol sa iba? Hindi ba sakripisyo ang pasanin ang krus na inihaharap sa atin ng buhay? Hindi ba sakripisyo ang sundin ng nais ng Diyos kahit hindi ito ang ating nais, o plano? Pero dahil ang sakripisyong ito ay para sa Diyos, sa bandang huli mamumunga ng mabuti.

Ito ang ating pagtulungan. Dito tayo maging magkaagapay. Laging nadyan ang tukso na basta’t maaayos ako at ang pamilya ko, okey na ko. Kung anong mas madali, iyan ang pipiliin ko. Susundin ko kung ano ang gusto ko. Magpaalalahanan tayo na ang sakripisyo ng paglimot sa nauukol sa sarili upang unahin ang iba ay sa bandang huli mamumunga ng mabuti. Ang sakripisyo ng harapin ang krus at harapin ang mahirap ay sa bandang huli mamumunga ng mabuti. Ang sakripisyo ng pagsunod sa gusto ng Diyos at hindi sa gusto ko ay sa bandang huli mamumunga ng mabuti.

Madalas tayong makalimut. Madalas tayong pangunahan ng kahinaan. Dito tayo magpaalalahanan. Dito tayo magtulungan. Dito tayo maging magkaagapay. Dahil ito ang landas sa kabanalan.