Sunday, September 6, 2009

Dumating na ba si Hesus sa buhay mo?

September 6, 2009
23rd Sunday, Ordinary Time, Year B


Ito ang sabi ni Propeta Isaias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, lakasan mo ang iyong loob. Darating na ang Panginoong Diyos, at ililigtas ka sa mga kaaway. Ang mga bulag ay makakakita, at makakarinig ang mga bingi; katulad ng usa, ang pilay lulundag, aawit sa galak ang pipi.”

Ito ay isang pangako mula kay Propeta Isaias. Darating ang Panginoon. Darating ang tagpagligtas. At may palatandaan sa kanyang pagdating: makakakita ang bulag, makakarinig ang bingi, lulundag ang pilay at aawit ang pipi.

Sa ebanghelyo ngayon pinagaling ni Hesus ang isang taong bingi at pipi. Sa pagtatapos ng kuwento sabi sa atin na "nanggilalas" ang mga nakasaksi ng nangayari, hindi lamang dahil sa himala, kundi dahil ang nangyari ay isang palatandaan sa pagdating ng Panginoon. Sa pagadating ni Hesus dumating ang Panginoon sa mga Hudyo. Dumating na ang kanilang hinihintay. Dumating na ang tagapagligtas.

Ito ang magandang tanong: Dumating na ba si Hesus sa buhay mo? May mga palatandaan. Kapag hindi ka na bingi sa mga utos ng Diyos; kapag hindi ka na bingi sa salita ng Diyos, sa tinig ng Diyos at handa ka nang sumunod sa kanya, dumating na nga si Hesus sa buhay mo.

Kapag hindi ka na bulag sa pangangailangan ng ating kapwa; kapag hindi ka na bulag sa kahirapan, sa kawalan ng katarungan, sa kawalan ng pagkakapantay pantay at handa ka ng kumilos, dumating na nga si Hesus sa buhay mo.

Kapag hindi ka na pilay dahil sa kasalanan; kapag hindi na pilay dahil sa iyong magkamakasarili, dahil sa sama ng loob, dahil sa inggit, sa galit at kaya mo nang lumakad ng tuwid, lumakad sa katuwiran, dumating na nga ang Panginoon sa buhay mo.

Kapag hindi ka na pipi sa mabuting balita ng Diyos; kapag ang namumutawi sa iyong bibig ay ang kabutihang loob ng Diyos; kapag hindi ka na nahihiya na pag-usapan si Hesus at magturo ng pagsundo sa kanya, dumating na nga si Hesus sa buhay mo.

Minsan ng pumarito si Hesus sa buhay na ito at hindi na niya iniwan ang kanyang bayan. Sa kanyang pagkamatay sa Krus at muling pagkabuhay, patuloy siyang nakasama ng kanyang bayan, at magpahanggan ngayon ay kasama nating lahat. Subalit kailangan natin ang "effata"; kailangan nating magbukas ng ating puso't isipan kay Hesus, upang dumating siya sa ating buhay.

Hanggang tayo ay bingi sa tinig at utos ng Diyos; hanggang tayo ay pilay sa ating mga kahinaan; hanggang tayo ay bulag sa pangangailangan ng ating kapwa; hanggang tayo ay pipi sa kabutihang loob ng Diyos, hindi pa lubos ang pagdating ni Hesus sa ating buhay.

Uulitin ko ang tanong: dumating na ba si Hesus sa buhay mo?