Seventh Sunday in Ordinary time, Year B
"Anak, ipinatatawad na ang mga kasalanan mo.” Yan ang sabi ni Jesus sa isang paralitiko na inilapit sa kanya ng apat nyang mga kaibigan.
Pagpapatawad. Ito na marahil ang isa sa mahalagang handog sa atin ng Diyos. At ito rin ang pinakamabuting handog na maibibigay natin sa isa’t isa. Naisip mo ba kung anung klaseng mundo meron tayo kung walang pagpapatawad? Hindi naman natin kailangang masyadong isipin dahil ang mundong walang pagpapatawad ay makikita natin ngayon sa Afghanistan, sa Iraq, sa Israel, sa Gaza, sa Congo. Kung saan paghihiganti at karahasan ang namamayani at hindi ang pagpapatawad. Huwag na tayong lumayo. Alam natin ang mga istorya ng mga pamilyang hindi marunong magpatawad – pamilya laban sa pamilya na nag-uubusan ng lahi; mga magkakapatid na may kapwa sama ng loob sa isa’t isa; mga magulang na tinitiis ang anak; mga anak na tinitiis ang mga magulang. Iyan ang mundong walang pagpapatawad: ang mundo ng paikot-ikot na galit at paghihiganti, ng palalim na palalaim ng sama ng loob at poot. There is no end in the cycle of anger and revenge. Only forgiveness breaks the cycle.
Meron po akong kakilala, taga-Mindanao. Sa kasawiang palad, nasangkot ang kanyang ama sa pakikipag-away laban sa isang pamilya doon. Hanggang humantong sa paghihiganti, at napatay ang kanyang ama. Dahil doon may masidhing hangaring ipaghiganti ng mga anak ang pagkamatay ng kanilang ama. Hindi lang hangaring maghiganti kundi tila obligasyon ng mga anak na ipaghiganti ang ginawa sa kanilang ama. Pero itong anak, nagpunta ng Maynila, nagtrabaho sa simbahan, napalapit sa Diyos, natutong magsimba, nagpakumpil, nagkumpisal, nabuksan ang isip tungkol sa Panginoon at sa pananampalataya. Samakatuwid, nabuhay ang kanyang pananampalataya. Ang tanong niya sa akin, “Father, paano ko po sasabihin sa kanila na ayaw ko nang maghiganti.” Ang sabi ko lang ay kahit na anung hirap ng gagawin niya, huwag kalilimutang tama ang hindi maghiganti at ito ang maghihinto sa paikot-ikot na galit at paghihiganti. Sa madaling salita, hindi na naghiganti ang mga anak. Hinabla ang pumatay sa kanilang ama. At nahuli na yata ang pumatay sa kanilang ama. Ito ang mga unang hakbang sa lubos na pagpapatawad na magdudulot ng lubos na kapanatagan at kapayapaan.
Sino ang may gusto ng daigdig na puno ng karahasan, ng galit, ng paghihiganti, ng poot, ng sama ng loob? Palagay ko po, wala. Kaya, kung ayaw natin ng ganitong mundo, meron po itong kapalit. Kailangang matuto tayong magpatawad.