Lahat tayo dumadaan sa panghihina at nangangailangan ng panghuhugutan ng lakas. Yung iba sa pamilya humuhugut ng lakas. Yung iba sa tagumpay. Yung iba naman sa trabaho. Yung iba sa pera.
Pero ang lahat ng ito ay lumilipas, nawawala. Yung mga mahal natin sa buhay darating ang panahon mawawala din sila; malalayo, o papanaw na. Yung tagumpay lumilipas. Laging may darating na mas magaling at lalampasan ang ating mga tagumpay. Yung trabaho, hindi rin sigurado. Tingnan ninyo ang nangyayari ngayon sa Pilipinas, malalaking kumpanya ang nagsasara at libu-libo ang nawawalan ng trabaho. Yung pera nauubos. Tingnan ninyo ang nangyayari ngayon sa buong mundo, malalaking bangko at nagsasara at humihingi ng tulong sa kani-kanilang gobyerno. Kung ang pinanghuhugutan natin ng lakas ay mula sa daigdig na ito, laging may kulang, laging may hangganan, laging mawawala.
Kaya napakagandang paalala ang hatid sa atin ni Jesus sa ebanghelyo: "Madaling araw pa'y bumangon na si Jesus at nagtungo sa isang ilang na pook at nanalangin." Pagkatapos magpagaling ng maraming maysakit, magpalayas ng masasamang espiritu, at siksikin ng napakaraming tao, may panahon pa rin si Jesus para manahimik, mag-isa at manalangin. Dahil panalangin sa mapagmahal na Ama ang hinuhugutan niya ng lakas.
Panalangin ang hindi lilipas na huhugutan natin ng lakas. Hindi kukupas dahil ang panalangin ay pakikipag-isa sa Diyos at dahil ang Diyos ay magpakailanman, ang lakas na ating huhugutin ay magpakailanman din.
Dahil sa dami ng iniisip, ng gagawin, ng pupuntahan, ng kakausapin, marami sa atin marahil ang nahihirapan maghanap ng oras para sa panalangin. Subalit ang oras para sa panalangin ay hindi dapat hinahanap, kundi dapat, gumawa ng oras para sa panalangin.. Kailangn sinasadya. Kung maghahanap ng oras para sa panalaing, sa dami ng ginugugulan natin ng gawain sa maghapon, siguradong hindi tayo makakahanap ng oras para magdasal. Kaya't kung tunay na panalangin ang huhugutan natin ng lakas na walang hangganan, hindi lang dapat maghanap ng oras, kundi gumawa ng oras para sa panalangin. We do not try to find time for prayer, but we make time for prayer.