Friday, November 7, 2008

Bakit ka pumupunta sa palengke?

Juan 2: 16 “Huwag ninyong gawing palengke ang bahay ng aking Ama!”

Ngayon ay ipinagdiriwang ang Kapistahan ng Pagtatalaga ng Basilica ni San Juan Bautista na itinayo sa lupang pag-aari ng pamilya Laterani [kaya Lateran] noong taong 324. Ang basilikang ito ang katedral ng Santo Papa bilang obispo ng Roma. Ito ang Ina ng lahat ng simbahan.

Kaya’t sa ebanghelyo natin ngayon, ipinapahayag ang nararapat na pagbibigay ng halaga sa “bahay” ng Diyos, sa simbahan. Hindi dapat ito gawing palengke, sabi ni Jesus sa ebanghelyo. Madaling maintindihan na ang pagtitinda at pamimili na ginagawa sa palengke ay hindi dapat ginagawa sa simbahan. Subalit mas magandang pagtuunan ng pansin ang disposisyon ng mga nagpupunta sa palengke at pumapasok ng simbahan.

Bakit ka ba pumupunta sa palengke? Para mamili. Ng ano? Para mamili ng kailangan mo at ng gusto mo. Yan ang dahilan kung bakit ka pumupunta ng palengke – para mamili ng gusto mo at ng kailangan mo. Pagkaminsan, ito rin ang dahilan kung bakit ka pumupunta ng simbahan – para ipagdasal ang gusto mo at hingin ang kailangan mo. Kapag, ito lang ang dahilan ng pagpunta natin sa simbahan, hindi ba ginagawa na rin nating tila palengke ang simbahan?

Hindi ko sinasabing masama ang ipagdasal ang gusto mo at hingin ang kailangan mo sa loob ng simbahan. Ang sinasabi ko ay ito: sa loob ng simbahan, mas mahalaga sa kung ano ang gusto mo at kung ano ang kailangan ay kung ano ang gusto ng Ama at kung ano ang kailangan ng kapwa! Ang pagdarasal sa loob ng simbahan ay hindi natatapos sa kung ano ang gusto ko, bagkus sa kung ano ang gusto ng Ama. Ang pagtitipon sa loob ng simbahan para sa pagdiriwang ng banal na Misa ay hindi natatapos sa kung ano ang kailangan ko, bagkus sa kung ano ang kailangan ng aking kapwa. Sa loob ng simbahan, pagkatapos nating lumuhod at magdasal, maupo at makinig sa pagbasa at pangaral, kumanta at sumagot, pumila at tumanggap ng komunyon, pagkatapos nating sabihin sa Diyos ang gusto natin at ang mga kailangan natin, inaasahang maging malinaw sa atin kung ano ang gusto ng Ama at kung ano ang mga kailangan ng ating kapwa.

Ang simbahan ay parang palengke kapag gusto ko lang at kailangan ko lang ang dala natin. Ang simbahan ay tunay na simbahan kung pagkatapos ng gusto ko at kailangan ko, mas nangingibabaw ang gusto ng Ama at ang kailangan ng kapwa.

Pagkatapos ninyong sabihin sa Diyos kung ano ang gusto ninyo at kung ano ang kailangan ninyo, huwag po sana kayong lalabas ng simbahan ito ng hindi nauunawaan kung ano ang gusto ng Ama at kung ano ang kailangan ng ating kapwa. Amen.