Ngayon ay dakilang kapistahan ng Kristong Hari. Sa huling linggo ng kalendaryo ng simbahan, at sa pagsisimula ng bagong kalendaryo sa pagpasok ng panahon ng Adbiyento, nararapat lamang na ipagdiwang ang paghahari ni Hesus sa ating buhay. Sa lingo-linggong pagdiriwang natin ng misa, pagpupuri at pasasalamat sa kanya, sa araw-araw na pagsisikap sumunod sa kanyang mga halimbawa nararapat lamang na ipagdiwang natin ang kanyang tagumpay, kapangyarihan at kaluwalhatian.
Ano nga ba ang palatandaan ng tagumpay ng paghahari ni Kristo sa buhay na ito? Ano ang platandaan na si Kristo ay ating Hari?
Batay sa ating ebanghelyo ngayon, si Kristo ay tunay na naghahari sa atin kung ang mga nagugutom ay may pagkain; kung ang nauuhaw ay may tubig; kung ang dayuhan ay tinatanggap; kung ang walang maisuot ay may damit; kung ang maysakit ay kinakalinga; at kung sa napipiit ay may nagmamalasakit. Samakatuwid, ang tagumpay ng paghahari ni Kristo ay nasusukat sa pagmamalasakit ng tao sa kapwa tao; sa pag-aalala hindi lamang para sa sarili kundi para sa mga nangangailangan; sa pagtalikod sa kasalanan at pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang tanda na tunay ngang naghahari sa atin si Kristo – kapag ang puso natin ay naging tulad ng puso ni Kristo, sumusunod sa kalooban ng Ama at may malasakit sa nangangailangan.
Noong nakaraang linggo, isang binatilyo ang lumapit sa akin pagkatapos ng misa. Sabi niya, “Father, puede po bang magkumpisal?” Ikinuwento niya sa akin ang lahat ng kanyang kasalanan. Sabi niya, “Kahit bata pa po ako. Ginawa ko na yata lahat ng kasalanang kayang gawin ng kabataan.” Siya na rin ang nagsabi na dati-rati hindi siya makikita sa loob ng simbahan. Kung magsisimba man, nakatayo lang sa labas ng simbahan. Siguro nakita nyo siyang nakatambay sa kalsada. Pero ngayon, nakikita ko siyang nagsisimba, tumutulong sa gawain ng simbahan, naglalaan ng kanyang talento at kakayahan, nanghihikayat ng ibang kabataan upang mapalapit kay Kristo. Hindi ko po sinasabi na banal na ang batang ito. Ang sinasabi ko lang po, sa kanyang pagkukumpisal pagkatapos ng ilang taon, sa kanyang hangaring magbago, sa kanyang pagsisikap maglingkod at manghikayat ng kapwa kabataan na mapalapit kay Kristo, makikita natin na gaano man kasama ang mundo, gaano man kadilim ang buhay, nagtatagumpay pa rin ang paghahari ni Kristo.
Madaling isipin na ang tagumpay ng paghahari ni Kristo ay ang pagbagsak ng mga makasalanan. Subalit ang totoo, ang tagumpay ng paghahari ni Kristo ay makikita hindi sa pagbagsak ng mga kasalanan, kundi sa pagbabago ng mga makasalanan upang magbalik-loob sa Diyos at magsikap magmalasakit sa kapwa.
The victory of Christ the King is not the downfall of sinners. The victory of Christ the King is the transformation of sinners to become servants of the Lord. Pagtalikod natin sa kasalanan at pagmamalasakit natin sa nangangailangan – ito ang sukatan kung si Kristo nga ay Hari natin. Amen.