Friday, October 10, 2008

Malinis na Kalooban at Maayos na Kasuotan

28th Sunday, Ordinary Time, Year A

I am a fan of Lea Salonga. Bata pa lang si Lea, I-am-but-a-small-voice pa lang siya nun, I-am-but-a-small-voice pa lang din ako noon, taga-hanga na ako ni Lea Salonga. Kaya nung ipinalabas ang Miss Saigon sa CCP, talagang pinag-handaan kong mabuti para makapanood. Ang una kong problema, mahal ang ticket. Pero nung makabili na ako ng ticket, ang sumunod kong pinoblema: ano ang isusuot ko? Pinropblema ko kung ano ang isusuot ko. Hindi ako makapag-desisyon ng mabuti, kaya bumili ako ng bagong pantalon at bagong polo [sapatos? hindi na, nilinis ko na lang ng tatlong beses yung katad ko hehe] para isuot sa Miss Saigon. Kapag iniisip ko ngayon, natatawa na lang ako sa sarili ko, biro nyo problemahin ko kung ano ang isusuot ko.

Dapat bang pinroproblema kung ano ang isusuot? Sigurado ako yung mga mag-asawa rito, nung umaakyat kayo ng ligaw sa asawa nyo, pinag-isipan nyo rin kung anong isusuot. Nung una nyong makilala yung mamanugangin nyo, pinoblema nyo rin kung ano ang isusuot. Saka nung nag-apply kayo ng trabaho at humarap kayo sa boss, pinoblema nyo rin kung ano ang isusuot. At saka kapag pupunta kayo sa Kasal, sa binyag, o sa patay, inisip nyo rin kung ano ang dapat isuot. Bakit? Kasi may tamang kasuotan sa tamang okasyon.

Pero bakit kapag nagsisimba, yung iba, basta-basta na lang ang suot. Merong nakasando na akala mo init na init, na parang magalalaro lang ng basketbol. Merong mga naka-short na akala mo me excursion at sa beach ang punta. Meron namang sobra-sobra ang porma na akala mo sa party ang punta. Meron namang parang naka pantulog lang, kakabangon lang sa kama. Kung sa kasal, o sa binyag, o sa patay, iniisip natin kung ano ang isusuot; kung ang pagharap sa liligawan, o sa boss, iniisip kung ano ang dapat isuot, bakit sa pagsisimba hindi natin iniisip kung ano ang dapat isuot, samantalang kapag nagsisimba tayo humaharap tayo sa Diyos. Hindi ko sinasabing dapat nakapustura, dapat mamahalin, dapat laging bago. Hindi po. Ang sinasabi ko lang, dahil kapag nagsisimba tayo ay humaharap tayo sa Diyos siguro naman dapat disente at maayos ang ating suot. Kung ano ang disente at maayos, palagay ko alam na po natin iyon.

Siguro tatanungin nyo: Father, mahalaga ba kung ano ang suot kapag humaharap sa Diyos? Hindi ba mas mahalaga kung ano ang nasa kalooban? Sabi ng ilan, hindi mahalaga kung ano ang nasa labas, basta’t malinis ang iyong kalooban. Sabi naman ng iba, kung yung pagdadamit nga lang pagnagsisimba, napakasimpleng bagay, hindi maayos, yung kalooban pa kaya. Ang sabi ko naman ay ganito: dahil sa pagsisimba ay humaharap tayo sa Diyos, nararapat lamang na maayos tayo sa panlabas at sa panloob – malinis na kalooban at maayos na kasuotan - yan ang karapat-dapat sa harap ng ating Diyos.

Tignan natin ang kuwento ng ating ebanghelyo ngayon. Nang unang mag-anyaya ang mga alipin para sa kasalan ng hari, hindi sila pinansin. Sabi ng ebanghelyo, “Humayo sila sa kani-kanilang lakad; ang isa ay sa kanyang bukid at sa kanyang pangangalakal naman ang isa.” Hindi sila pumunta sa kasalan at hindi humarap sa hari dahil hindi handa ang kanilang kalooban, mas mahalaga ang bukid at pangngalakal kaysa sa hari. Nung nag-imbita ulit ang mga alipin para sa kasalan, marami na ang nagpuntahan. Subalit merong isa na hindi nakadamit pangkasal. Sabi ng hari, “Kaibigan, bakit ka pumasok dito nang hindi nakadamit pangakasalan?” Kahit pumunta sa kasalan, hindi naman maayos ang kasuotan. Kaya, sino ang nakasama ng hari sa pagdiriwang sa kasalanan? Iyong mga bisitang handa ang loob at maayos ang labas – iyong handa ang kalooban at maayos ang kasuotan.

Mga kapatid, kung tatanungin nyo ko kung ano ang mas mahalaga kapag humaharap sa Diyos sa pagsisimba, maayos na suot o malinis na kalooban? Ang sagot ko po: parehas. Ang tunay na nagmamahal sa Diyos, ang tunay na gumagalang sa presensya ng Diyos sa banal na misa, hinahanda ang kalooban at may maayos na kasuotan. Amen.