29th Sunday in Ordinary Time, Year A
Sa unang tingin, tila hinahati ni Jesus ang buhay at mundo ng tao, “ibigay sa Cesar ang sa Cesar, at sa Diyos ang sa Diyos,” may mga bagay na para sa tao at may mga bagay na para sa Diyos. Ito ba ang katotohanang ipinapahayag ng ebanghelyo tungkol sa buhay ng tao? Ano nga ba “ang sa Diyos?”
Tingnan natin ang iba pang sinabi ni Jesus. Habang hawak ang baryang pambayad ng buwis, tinanong ni Jesus ang mga Pariseo, “Kaninong mukha ang nakaukit sa dito?” Sabi ng mga eksperto sa biblia, ang tanung na ito ay nagpapaalala sa atin ng nasusulat sa Genesis chapter 1 verse 27: Ang tao ay nilalang ng Diyos na “kalarawan” niya.
Kaya kung tatanungin natin, “Kaninong larawan [o mukha] ang nakaukit sa pagkatao [o puso] ng tao?” Ang sagot? Larawan ng Diyos. Kung ang perang pambayad ng buwis ay para sa Cesar dahil nakaukit dito ang kanyang mukha, ang tao ay para sa Diyos dahil sa kanyang pagkatao nakaukit ang larawan ng Diyos.
Kaya sa madaling salita, sa ebanghelyo natin ngayon, hindi hinahati ni Jesus ang buhay ng tao, bagkus ang buong pagkatao ng tao, ang kanyang salita, ang kanyang gawa, ang kanyang isip, ang kanyang mundo, ang kanyang puso, ang kanyang buhay ay sa Diyos, dahil sa kanyang pagkatao nakaukit ang larawan ng Diyos.
Madaling sabihin at paniwalaan na tayo ay sa Diyos dahil sa ating puso nakaukit ang larawan ng Diyos. Subalit magandang suriin natin ang ating mga sarili: sa maghapon, ilan sa mga sinasabi natin ang tunay na sa Diyos? Ilan sa mga iniisip natin ang totoong sa Diyos? Ilan sa mga ginagawa natin ang nagmumula sa Diyos? Ilan sa mga desisyon at pagpapasya natin ang sa Diyos? Ilang? Buo? Kalahati? O baka wala sa one-fourth?
We all belong to God. All that we are and all that we have; we belong to Him. How much of ourselves truly belong to God?