Saturday, July 5, 2008

Lahat Tayo may Pasanin

"Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko."

Lahat tayo may pasanin sa buhay. Minsan magaan. Minsan mabigat. Minsan sabay-sabay, sobra-sobra, kaya yung iba sumusuko na. Lahat tayo may pasanin sa buhay. At iba-ibang klade ang mga ito.

May pasaning basta na lang dumarating sa atin. Walang may kasalanan, Hindi natin kasalanan. Hindi kasalanan ng iba. Aksidente. Wala tayong kontrol sa mga ganitong pasanin. Kapag pinapakinggan mo ang mga kuwento ng mga kamag-anak ng mga namatay sa MV Princess of the Star, nakakapanghina ng loob, nakakaiyak, nakakapanghinayang. Hindi alam kung sino ang sisihin. Bigla na lang dumating. Kailangang tanggapin.

May pasaning dahil sa ibang tao. Mga taong kahit hindi nila intensyon minsan ay nakakasakit sa atin. Tulad ng isang asawang nangangaliwa. Sa tunay na nagmamahal, masakit kapag ang minamahal mo ay iba ang mahal.

May pasaning dahil sa ating sarili. Mga paghihirap na dulot ng ating pagbabaya. Tulad ng pag-aasawa ng maaga. Hindi pa tapos sa pag-aaral. Hindi pa responsable sa buhay. Hindi pa handa maging ina o maging ama. Mahirap mamroblema araw-araw kung saan kukuha ng pang-araw-araw na kakainin para sa buong pamilya.

Pero may mga pasaning tinatanggap natin dahil sa pagmamahal. Bakit may mga nanay o tatay na iiwan ang pamilya para maglinis ng banyo sa Hongkong, para maghugas ng puwet sa London? Bakit may mga doktor na umaalis ng bansa para maging nurse sa Amerika? Dahil sa pagmamahal, babalikatin gaano mang kabigat na pasanin.

At ang paalala ng ebanghelyo, anuman ang ating pasanin - aksidente man, o dahil sa kapawa, o dahil sa sarili, o dahil sa pagmamahal - kay Jesus makaktagpo tayo ng lakas. Lakas para tanggapin ang mga pasaning wala tayong magagawa; lakas para gumawa ng paraan sa mga pasaning meron tayong magagawa; lakas para ipagpatuloy balikatin ang mga pasaning tinatanggap dahil sa pagmamahal.

Anuman ang ating pasanin hindi gumagaan sa paglalasing, o sa pagsusugal, o sa pagkamkam ng kayamanan, o sa bisyo, o sa pagpapakamatay. Ang ating pasanin gumagaan kay Jesus, dahil kay Jesus nakakatagpo tayo ng kapahingahan. At sa pagpapahinga tayo ay lumalakas.