Saturday, April 12, 2008

SINO ANG GUSTONG MAGING PARI?

Ang isang pari ay nagiging pari hindi dahil sa kanyang sarili, kundi dahil sa isang pamayanan.

Ngayon ay Linggo ng Pandaigdigan Panalangin para sa Bokasyon. Ang isa daw pong palatandaan na malusog ang pananampalataya ng isang parokya ay kung may mga kabataang nais maging pari. Sa amin sa Hagonoy, Bulacan ipinagmamalaki ng buong bayan na maraming taga-Hagonoy ang naging pari. Noong 1999, kung kailan ako na-ordenahan pari, ako po ay pang-72 na paring buhay na taga-Hagonoy. Pero meron akong alam na diocese na sa loob ng sampung taon ay wala silang oordenahan pari dahil wala silang seminarista, wala silang bokasyon sa pagkapari.

Saan ba nagsisimula ng bokasyon ng pagpapari o pagmamadre? Totoo na sinapupunan pa lamang ay tinatawag na tayo ng Diyos sa ating mga pangalan. Sa binyag ay ipnunla na ng Diyos ang buhay na nagmumula sa kanyang wagas na pagmamahal. Subalit ang punlang ito ay kailangang maalagaan sa loob ng tahanan, kailangang alagaan ng pamilya. At sa labas ng pamilya ang punlang ito ay kailangang maalagaan din ng parokya. Kaya responsibilidad po nating lahat, hindi lamang ang magbigay ng tulong sa mga nagpapari at nagmamadre, kundi ang magbigay ng mabuting halimbawa upang patuloy na magkaroon ng mga kabataang nais magpari o magmadre.

Masuwerte ang ating parokya dahil meron tayong seminarista. Apat na taun na lang, sa awa ng Diyos, ay puede na siyang ordenahang pari. Pero bakit iisa? Sino kaya ang susunod sa kanya?

Ngayong araw na ito, pinapaalalahanan tayong ipagdasal ang mas marami pang kabataan na magbukas ng kanilang puso upang ialay ang sarili sa paglilingkod sa Diyos at sa simbahan bilang pari o madre. Tungkulin ng bawat pamilya at bawat parokya na maging mabuting tagapag-alaga ng bokasyon sa pagpapari at pagmamadre.

Anu-ano bang mga halimbawa ang inaasahan sa atin na makapagpapatibay ng bokasyon sa pagpapari at pagmamadre?

Una, ang halimbawa ng pagsasakripisyo. Ang bokasyon sa pagpapari at pagmamadre ay uusbong lamang sa isang pamayanang hindi lamang sarili ang iniisip. Matutunan lamang ng mga kabataang magsakripisyo ng buhay para sa paglilingkod sa Diyos at sa simbahan, kung sa loob ng tahanan at sa loob ng parokya ay kanilang makikita ang tunay na diwa ng pagmamahal sa pagsasakripisyo bilang pagtupad sa kalooban ng Diyos. Without the sense genuine sacrifice, the life of a priest or nun will remain unattractive to young people.

Pangalawa, ang halimbawa ng kagalakan sa paglilingkod. Ang bokasyon sa pagpapari at pagmamadre ay uusbong lamang sa isang pamayanang nakatagpo ng tunay na kaligayahan sa paglilingkod. Matutunan lamang ng mga kabataan na masaya pala ang maglingkod sa mga nangangailangan kung sa loob ng tahanan at sa loob ng simbahan ay kanilang makikita ang galak sa ating mga puso sa bawat pagbibigay ng ating sarili para makatulong, makapagmalasakit at maglingkod. Without understanding the fulfillment that comes from serving one another the life of the priest or nun will remain to be less fulfilling and boring.

Mga kapatid sa misang ito ipagdasal natin na mas marami pang kabataan ang tumugon sa tawag ng Diyos sa pagiging pari o madre. Subalit huwag din nating kalilimutan ang mabigat na hamon sa bawat pamilya at sa ating parokya - ang kahalagahan ng pagsasakripisyo at ang kagalakan sa paglilingkod.

Tandaan po natin na ang isang pari ay nagiging pari hindi lamang dahil sa kanyang sarili, kundi dahil sa ating pamayanan, dahil sa mga halimbawa ng pagsasakripisyo at paglilingkod na inaasahn sa bawat pamilya, at inaasahan sa ating lahat.

A priest does not become a priest by himself. A priest becomes a priest because of a community.