Friday, April 18, 2008

AKO ANG DAAN

May libro si Ricky Lee, isang batikang manunulat sa sine at sa TV. Ang title “A Trip to Quiapo.” Sabi niya sa introduction, kung pupunta sa Quiapo, maraming paraan para pumunta sa Quiapo. Puedng mag-jeep, mag-FX, mag-taxi, o kaya mag-LRT. Iisang pupuntahan pero maring paraan ng pagpunta. Ganyan din daw ang pagsusulat: isang karanasan, pero maraming paraan ng pagkuwento.

Ganyan din ang katotohanan ng buhay ng tao. Iisang buhay, iisang mundo, iisang hininga, pero maraming paraan ng pamumuhay, maraming paraan ng paglalakbay. Iisa ang hangarin sa buhay – ang maging maginhawa, matiwasay at masaya – pero maraming paraan kung paano mararating. Maraming formula.

Kung titingnan natin ang ating mundo ang pinaka-sikat na sigurong formula para lumigaya ay ang formula ng pera. Mas maraming pera mas masaya. Mas mayaman mas okey. Kapag may pera mabibili mo ang gusto mo. Kapag may pera mapupuntahan mo ang gusto mo. Pero sinungaling ang formula ng pera dahil alam nating lahat na ang tunay na kasiyahan hindi nabibili ng pera.

Isa pang formula na makikita natin sa ating paligid na sinasabing nagpapaligaya ay ang formula ng kapangyarihan. Kapag may kapangyarihan ka malakas ka. Hindi ka puedeng apihin, lamangan, i-etsapuwera. Kapay nasa kapangyarihan ka magagawa mo ang gusto mo ng walang aangal. Pero sinungaling ang formula ng kapangyarihan dahil alam natin kapag may kapangyarihan walang kapayapaan. Walang kapanatagan.

Isa pang formula na sinasabing magpapaligaya sa ating buhay ay ang formula ang kagandahan. Makinis na balat. Madulas na buhok. Balingkinitan. Maputi. Iyan ang mga nakikita natin sa commercial – pampaputi, pampapayat, pampakinis. Pero alam nating me hangganan ang formula ng kagandahan, dahil darating ang araw na hindi mapipigilan ang paggaspang, ang pagkulubot, at ang paglagas na ating buhok.

Isang buhay na kuntento at maligaya – iyan ang gusto nating lahat! May nagsasabing ang daan ay kayamanan. Pero dadalhin lang tayo sa kasakiman. Sarili lang ang iniisip. May nagsasabing ang daan ay kapangyarihan. Pero dadalhin lang tayo sa kayabangan. Nagmamataas sa kapwa. May nagsasabing ay daan ay kagandahan. Pero dadalhin lang tayo sa kababawan. Hanggang labas lamang.

Para sa Kristiyano iisa lang ang daan, iisa lang ang formula – si Jesus: Ako ang daan, ang katotohanan at ang buhay! Jesus chose to be poor. Jesus chose to be with the powerless and the hopeless. Jesus proclaimed the beauty that comes from being one with the Father. Para sa isang Kristiyano walang ibang paraan tungo sa buhay na ganap at kasiya-siya kundi ang pagsunod sa yapak ni Jesus.