CORPUS CHRISTI. Sa English – Body of Christ; sa Pilipino – Katawan ni Kristo. Kung ating susuriin may tatlong pinatutungkulang kahulugan ang Corpus Christi o ang Katawan ni Kristo.
Ang una ay ang katawan ni Kristo na ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria. Ang katawang inihiga sa sabsaban. Ang katawang nagpaiwan sa templo ng Jerusalem. Ang katawang lumaki at tumanda, hanggang buhusan ng tubig ni Juan Bautista sa ilog Jordan. Ang katawang nagpagaling ng mga maysakit, nagpatawad sa mga makasalanan, nagbigay ng pag-asa sa mga maralita, nagpakain sa mga nagugutom, nagpainom sa mga nauuhaw. Ang katawang ipinako sa krus para sa iyo at para sa akin. Ang katawang inilibing sa isang kuweba, at muling nabuhay sa ikatlong araw. Ito ang katawang ipinanganak ng Mahal na Birheng Maria.
Ang ikalawa ay ang katawan ni Kristo sa Sakramento ng Eukaristiya. Sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, ang tinapay na mula sa lupa at bunga ng ating paggawa ay na nagiging katawan ni Kristo, ang tinapay ng buhay na nagbibigay ng buhay sa lahat. Ang pagkaing tinatanggap natin sa banal na komunyon. Ito ang katawan ni Kristo kung saan sumasagot tayo ng Amen.
Ikatlo at panghuli, ang katawan ni Kristo na binubuo ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Isinulat ni San Pablo na ang bawat isa sa atin ay iba’t ibang bahagi ng iisang katawan, at ang ating ulo ay si Kristo. Kaya tayo ay katawan ni Kristo. Ang bawat bininyagan ay kabahagi ng katawan ni Kristo. Ang simbahan ay katawan ni Kristo. Ikaw at ako ay bahagi ng iisang katawan ni Kristo. Tayo ang mga bahagi, si Jesus ang ulo.
Iyong una ginanap ng ng Diyos. Sa pagkakatawang tao ni Jesus nakilala natin ang Katawan ni Kristo. Diyos ang kumilos upang matupad ito.
Iyong ikalawa ginaganap ng Diyos sa tuwing tayo ay magdiriwang ng misa. Sa bawat Eukaristiya ang tinapay ang nagiging katawan ni Kristo, na tinatanggap natin sa komunyon. Diyos ang kumikilos upang magpatuloy ito.
Iyong pangatlo kahit pinag-isa na tayo sa iisang Katawan ni Kristo sa ating binyag, hindi pa kumpleto kung hindi tayo kikilos. Ang kaganap ng pagiging bahagi natin ng Katawan ni Kristo nakasalalay sa ating pakikiisa sa biyaya ng Diyos. Sa awa ng Diyos, tayo ang tutupad ng pagiging Katawan natin ni Kristo.
Tayo ay bahagi ng Katawn ni Kristo kung ang ating kamay ay magiging kamay ni Kristo na handang dumamay sa mga dukha. Tayo ay bahagi ng Katawan ni Kristo kung ang ating bibig ay magiging bibig ni Kristo na handang magbigay ng pag-asa sa nalulumbay. Tayo ay bahagi ng Katawan ni Kristo kung ang ating tenga ay magiging tenga ni Kristo na handang makinig sa salita ng Diyos at sa hinaing ng mga nangangailangan. Tayo ay bahagi ng Katawan ni Kristo kung ang ating mga paa ay magiging paa ni Kristo na handang hanapin ang mga naliligaw ng landas.
Ang Katawan ni Kristo ay nakita natin nung siya ay nagkatawang tao. Ang katawan ni Kristo ay tatanggapin natin sa misang ito. Ang Katawan ni Kristo ay mabubuhay sa mundong ito kung sa araw-araw bawat isa sa atin ay sisikaping maging mabuting Kristiyano.