Lent 1st Sun C. Gusto nating mabusog. Gusto nating huwag magutom. "Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, iutos mong maging tinapay ang batong ito." Pero paalaala ni Jesus, ang gusto nang Diyos hindi lamang katawan ang mabusog, bagkus ang kalooban din ay mabusog ng Salita ng Diyos.
Gusto natin ang kapangyarihan sa sarili nating buhay at sa buhay ng nakapaligid sa atin. "Ibibigay ko sa iyo ang pamamahala sa lahat ng kahariang ito at ang kadakilaan nito.” Subalit paalaala ni Jesus , ang gusto nang Diyos ay matanggap natin na hindi sa lahat ng bagay ay may kapangyarihan tayo. Tanging siya lamang ang may kapangyarihan sa lahat, kaya’t pagtitiwala sa kanya ay kinakailangan.
Gusto natin na maganda ang tingin sa atin ng iba, kung hindi man hinahangaan o kinaiinggitan. "Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, magpatihulog ka.” Subalit paalaala ni Jesus, ang gusto ng Diyos ay hindi lamang maganda ang tingin ng iba, bagkus kailangang maganda ang tingin sa atin ng Diyos dahil sinusunod natin ang kalooban niya.
“Gusto ko” at “Gusto Niya” [o Gusto ng Diyos]. Sa bawat pagpapasya at desisyon na gagawin natin sa buhay na ito, ito ang dalawang bagay na laging isinasaalang-alang. Mabuti kung ang gusto Niya ay gusto ko rin o gusto rin natin. Pero madalas ang gusto natin o ang gusto ko ay salungat sa gusto Niya.
Ngayong Kuwaresma sino nga ba ang nasusunod sa buhay natin? Si GUSTO KO o si GUSTO NIYA? Amen.