28th Sunday, Ordinary Time
Isang lalaki ang patakbong lumapit kay Hesus at lumuhod sa harap niya. Mabuti ang kanyang hangarin sapagkat hinahanap ng lalaki ang dapat gawin upang magkamit ng buhay na walang hanggan. Matuwid ang kanyang buhay sapagkat tinututupd niya ng mga utos ng Diyos. Subalit, sabi ni Hesus mayroong isang kulang – ang ipagbili ang kanyang mga ari-arian at ipamigay sa mga dukha ang pinagbilhan. Namanglaw ang lalaki. Malungkot na umalis. Dahil marami siyang ari-arian. Dahil siya ay napakayaman.
Hindi po masama ang kayamanan. Hindi po masama ang magkaroon ng ari-arian. Ang masama ay ang mabulag tayo sa kayamanan at ari-arian at hindi na natin makit ang isang kayamanang mas totoo, mas mahalaga – ang kayamanan ng paghahari ng Diyos. Kaharap na ng lalaki si Hesus, pero hindi niya kayang ipagpalit ang kanyang ari-arian para kay Hesus. Hindi niya kayang iwan ang kanyang kayaman para kay Hesus. Bulag na ang lalaki sa tunay na kayamanan.
Meron po kaming maliit na bukid sa Bulacan. Hindi po namin natatamnan kaya tinamnan ni Mang Val. Si Mang Val ay kapitbahay namin sa bukid. Siya ang nagpaararo. Siya ang bumili ng mga punla. Siya ang nagpatanim. Siya ang nagpatubig. Nitong nakaraang bagyo, binaha po ang bukid. Hindi agad na wala ang tubig (may kaunti pa ngang tubig hanggang ngayon), kaya nababad ang mga panananim. Hindi na mapapakinabangan. Nung umuwi ako nung isang Linggo, binisa ulit ni Mang Val ang bukid. Sabi ko, “Pano na yan?” Sabi niya, “Father, ganun talaga.” Sabi ko, “Ano na po ang gagawin ninyo?” Sagot sa akin,”Eh di magtatanim ulit. Magsisimula ulit. May awa ang Diyos sa susunod aani din tayo.” Maiintindihan ko po siya kung maiinis, kung magagalit, kung maghahanap ng masisisi. Pero iba si Mang Val. Nawalan man ng panananim, nawalan man ng ari-arian... hindi namanglaw, bagkus, ang naghari ay pag-asa sa awa ng Diyos; pag-asa sa isang bagong simula, sa isang bagong pagsibol.
Hindi masama ang kayamanan, pero nasa atin ba ang tunay na kayamanan? Hindi masama ang magkaroon ng ari-arian, pero sino ang nagmamay-ari ng ating puso? Salat ka man sa kayamanan at ari-arian, kung nasa iyo ang paghahari ng Diyos, ikaw na ang pinakamayaman! Amen.