30th Sunday, Ordinary Time
Sa ebanghelyo ngayong Linggo, narinig natin ang kuwento ni Bartimeo, isang bulag at kung ano ang ginawa ni Hesus upang siya ay makakitang muli at sumunod sa Panginoon. Hindi naman tayo bulag, pero tulad ni Bartimeo meron tayong hindi nakikita na dapat sana ay ating makita.
Kung meron isang mahalagang bagay na ginawa ang bagyong “Ondoy” sa ating lahat, ito ay ang ipakita sa atin ang hindi natin nakikita. Magbibigay ako ng tatlong halimbawa. Una, ipinakita sa atin ni “Ondoy” na ang puno hindi lang kinukuhanan ng bunga o ng kahoy. Ang puno humahawak din sa lupa. Kaya daw putik at hindi lamang tubig ang umagos sa Marikina, sa Pasig, sa Cainta, sa iba pang lugar ay dahil wala nang mga punong humahawak sa lupa kaya dinala ng tubig baha. Pangalawa, ipinakita sa atin ni “Ondoy” na ang basurang hindi natin itinapon ng maayos ay babalik din sa atin. Kaya daw hindi kaagad humupa ang baha dahil hinaharangan ng mga basura ang dapat sana’y pagdadaluyan nito. Pangatlo, ipinakita sa atin ni “Ondoy” na kapag hindi maasaahan ang mga namumuno sa ating gobyerno hindi magagastusan ang dapat na gastusan. Kaya daw kulang ang mga gamit sa pag-rescue kasi imbes na ipinambili, ibinulsa ang pera.
Narinig na natin ito. Alam na natin ito, pero hindi natin pinansin. Hindi naman tayo bulag pero marami ang nagbubulag-bulagan. Marami sa atin, kung hindi dumating si “Ondoy” hindi magigising sa katotohanan na may problema tayo sa kapaligiran, sa basura, at sa mga namumuno sa atin. At dahil kay “Ondoy” nakita natin na mahalaga ang magtanim ng puno, mahalaga ang maayos na pagtatapon ng basura, at mahalaga na iboto natin ang mga tamang politiko.
We are not blind. We just choose not to see. We choose not to see that we have a problem with our environment, with our wastes and with the kind of leaders we elect in government. After “Ondoy” and we still choose not to see, then, we are worse than blind.
Kung hindi tayo kikilos at gagawa ng paraan, mas masahol pa tayo kay Bartimeo. Mas masahol pa tayo sa bulag. Si Bartimeo nung makakita, tumayo at sumunod kay Hesus. Siya ay kumilos. Pagkatapos ipakita ni “Ondoy” ang dapat nating makita, ang hamon sa atin ay tumayo at kumilos. Ang hamon sa atin ay gumawa ng paraan. Huwag sana tayong manatiling bulag.