3rd Sunday of Lent, Cycle B
Lahat tayo nagagalit pero sa iba’t ibang dahilan. Me nagagalit dahil hindi nasusunod ang gusto. Me nagagalit dahil high blood. Me nagagalit dahil naapi ang bida sa paborito nilang teleserye. Me nagagalit dahil sa kawalan ng katarungan, dahil sa mga kurakot sa gobyerno, dahil sa dayaan, dahil sa kawalan ng hustisya. Lahat tayo nagagalit pero sa iba’t ibang dahilan.
Lahat tayo marunong magalit pero sa iba’t ibang paraan. Merong tahimik lang, kinikimkim ang galit. Meron namang bungangera, alam ng buong bayan na galit siya. Merong walang pinapatawad, kahit sino ang kaharap. Merong malumanay lang, galit na pala hindi mo pa alam. Merong nagmumura. Merong nanglalait. Merong nangungutya. Meron mahinahon. Merong marunong magalit ng hindi nakakasakit ng damdamin. Lahat tayo marunong magalit pero sa iba’t ibang paraan.
Bakit nga ba nagalit si Jesus? Ano ang dahilan ng galit ni Jesus ? At paano siya nagalit ? Una, nagalit si Jesus hindi dahil sa sarili niya kundi dahil sa kawalan ng respeto sa tahanan ng Diyos. Nagalit si Jesus hindi dahil sinaktan siya, o naagrabyado siya, o dahil tinraydor siya, o dahil binalewala siya. Hindi. Nagalit si Jesus dahil hindi ibinigay sa Diyos ang tamang paggalang. Pangalawa, nung pinalayas niya ang mga nagtitinda sa templo, sabi ng ebanghelyo, “Isinabog niya ang salapi ng mga namamalit at pinagtataob ang kanilang mga hapag.” Ang galit ni Jesus nakatuon sa mga bagay – sa mga salapi, sa mga paninda, sa mga hayop – hindi sa tao. Kung sarili lang ang dahilan ng galit, hindi iyan ang galit ni Jesus. Kung nakakapinsala naman ng tao ang galit, hindi rin iyan ang galit ni Jesus. Dahil ang galit ni Jesus ay pagkagalit sa masama, sa kasalanan at sa paraang makakabuti hindi makakapinasala sa tao.
Ngayong panahon ng kuwaresma, magandang suriin natin kung bakit at kung paano tayo magalit. Hindi po masama magalit, basta’t hindi lang sarili ang dahilan ng galit at hangga’t maari wala sanang masasaktan. Magalit tayo sa kasalanan. Magalit tayo sa masama. Magalit tayo sa kasinungalin, sa pagnanakaw, sa karahasan, sa kawalan ng disiplina, sa pagkakanya-kanya, sa panlalamang. Magalit tayo sa paraang may malasakit sa kabutihan ng ating kapwa, hindi para makasakit, o makapaghinganti. Magalit tayo sa masama para mapabuti tayo at ang lahat.
Ang galit ay puedeng maging tanda ng pagmamahal kung ang galit ay magiging daan para kumilos laban sa masama at ipaglaban ang mabuti para sa atin at para sa kapwa. Magalit tayo kapag hindi ginagalang ang Diyos. Magalit tayo kapag hindi ginagalang ang tao. Magalit tayo ng may pagmamahal sa Diyos at pagmamalasakit sa kapwa. Amen.