5th Sunday of Lent, Cycle B
Ngayon ay panahon ng Graduation. Sino sa inyo ang may kamag-anak na nag-graduate sa highschool? Sino sa inyo ang may kamag-anak na nag-graduate sa college? Masaya ba kayo?
Siyempre! Ang panahon ng graduation ay panahon ng pagiging masaya. Pero huwag po nating kalilimutan na ang tunay na saya ng graduation ay dahil ito ay nagdaan sa hirap. Masaya ang graduation dahil sa ‘di mabilang na gabi ng pagpupuyat at pag-aaral, o tinatawag nating, pagsusunog ng kilay. Masaya ang graduation dahil sa pagkayod ng mga magulang para may ipangtustos sa pag-aaral ng anak. Masaya ang graduation dahil pinaghirapan, dahil nagsikap, dahil pinagpaguran.
Ganyan din ang paala-ala ng ating ebanghelyo ngayon: “malibang mahulog sa lupa ang butil ng trigo at mamatay, mananatili itong nag-iisa. Ngunit kung mamatay, ito’y mamumunga nang marami.” Ang buto para tumubo at mamunga kailangang mahulog sa lupa at mamatay. Ang tao para magtagumpay at makatagpo ng makahulugang buhay kailangang mamatay sa sarili, matutong magtiis, matutong magsakripisyo.
Linggo na ng palaspas sa susunod na linggo. Gugunitain na naman natin ang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo. Tamang-tamang paala-ala sa atin na meron lang Linggo ng Pagkabuhay dahil may Biyernes Santo at makahulugan lang ang Biyernes Santo dahil may Linggo ng Pagkabuhay. Hindi puedeng paghiwalayin. Walang Hesus na walang krus. At walang krus na walang Kristo.
Mga kapatid, kung nais nating makikiisa sa bagong buhay na dulot ni Kristo kailangang handa tayong mamatay – mamatay sa pagkamakasalanan, mamatay sa kasakiman, sa kasinungalingan, sa pagmamataas, sa galit, sa inggit, sa kawalan ng pakialam.
Kailangang mamatay sa pagkamakasarili, upang ang buhay ay mamunga ng nang marami.