Ngayon ay Araw ng mga Kaluluwa. Naniniwala tayo na ang buhay ng tao ay hindi natatapos sa daigdig na ito. Naniniwala tayo sa kabilang buhay.
At kung paano ang mga santo sa kabilang buhay ay may epekto sa buhay natin dito sa lupa – kaya nga tayo tumatawag sa kanila at nagpapatulong – ang buhay natin dito sa lupa ay may epekto sa buhay ng mga kapatid nating yumao na – kaya nga ipinagdarasal natin sila, nagtitirik tayo ng kandila para sa kanila, nagpapamisa para sa mga yumao.
Anung klaseng tulong ang naibibigay natin sa mga yumao na? Tulong para sa kalinisan ng kanilang kaluluwa. Mababasa natin sa Revelation 21:27 – hindi makapapasok [sa lunsod ng Diyos] ang anumang bagay na marumi sa paningin ng Diyos, ang sinumang gumagawa ng kahihiyan, at ang mga sinungaling. Yaon lamang may mga pangalang nakasulat sa aklat ng buhay na iniingatan ng Kordero ang makapapasok sa lunsod. Kaya naniniwala tayo, na kapag ang isang namatay, ‘di man tumalikod sa Diyos at walang malaking nagawang kasalanan, ay pumanaw ng may dala-dalang bahid dungis ng maliliit na kasalanan ay kailangna sumailalim muna sa paglilinis bago makapasok sa kaharian ng Diyos. Ang tawag po natin dito PURGATORYO. Ang purgatoryo ay hindi isang lugar, na iniisip nating nasa gitna ng langit at lupa. Ang purgatoryo ay isang proseso ng pagpupurga, o paglilinis, upang makiisa ng lubusan sa lunsod ng Panginoon. Mababasa natin sa Catechism of the Catholic Church [1030-31] na ang bunga ng proseso ng purgatoryo ay kabanalan para tanggapin ang kaligayahan ng langit, at ang paglilinis na ito ay iba sa parusang bigay sa mga tumalikod sa Diyos.
Kapag may nagtanong sa inyo kung bakit inaalala ang mga yumao na, bakit sila ipinagdarasal, tandaan ninyo: Revelation chapter 21 verse 27 at Catechism of Catholic Church number 1030 hanggang 1031. Hindi makakaisa ng Diyos ay may bahid dungis ng kasalanan, at sa ating pagdarasal at panalangin, tinutulungan natin ang mga yumao na maging ganap ang kanilang kabanalan upang tanggapin ang kaligayahan mula sa Diyos.
Tamang tama ang paalaala ng ating ebanghelyo ngayon: Lumapit kayo sa akin, kayong lahat na napapagal at nabibigatan sa inyong pasanin, at kayo'y pagpapahingahin ko. Lumapit tayo sa Panginoon at makakatagpo tayo ng kapahingahan, sa buhay na ito at sa buhay sa kabila. Lumapit tayo sa Panginoon at makatatagpo tayo ng kapahingahan para sa atin lahat at para sa mga mahal nating yumao. Samakatuwid, ang pag-ibig ng Diyos ay hindi lamang para sa buhay na ito. Ang pag-ibig ng Diyos ay tumatagos hanggang sa buhay sa kabila. Kaya’t sa araw na ito lumapit tayo sa Panginoon. Amen.