Kayong mga anghel, dinggin ang aking samo
Kayo’ng nagbukas ng libingang bato
sa araw ng Pagkabuhay na totoo
Buksan din ang libingan nitong puso
Nanlamig sa pag-ibig, singtigas ng semento
Si Kristo, isinakdal muli sa kamatayan
Sa mundo ng kawalan siya’y nararatay
Halikayo makakapal na anghel
Si Kristo’y gisingin sa pagkahimlay.
Mga anghel, walang imik, balot ng katahimikan
Hanggang mga pakpak sa aki’y yumakap
Simoy ng isang mahinang tinig
Bumubulong: Ikaw. Ikaw. Ikaw ang gigising.
Ikaw ang gigising kay Kristong nakahimlay.
Sa iyong pusong madilim at nanlamig
Basagin ang mabigat na batong tumatakip
sa daluyan ng liwanag at bagong buhay
Kailangan kang gumising
upang si Kristo’y muling mabuhay!
(Inspirasyon mula sa Awit ni Gertrud von le Fort [1936] na sinipi ni Adolf Adam sa kanyang aklat The Key to Faith: Meditations on the Liturgical Year, Collegeville, 1989, 79-80.)
Happy Easter to all!