Memorial of San Lorenzo Ruiz and Companion Martyrs
Ang Pilipinas ang kaisa-isang Katolikong bansa sa Asya. Yan ang sinabi ni Pope John Paul II nung dumalaw siya sa Piipinas noon 1995. Yan din ang ating ipinagmamalaki. Kaya lang may bahid ang pananampalatatayang ito dahil sa buong mundo isa ang Pilipinas sa itinuturing na pinaka-corrupt na bansa. How ironic that the only Catholic nation is Asia is also one of the most corrupt country in the world.
Hanggang kelan tayo mananatiling ganito? Patakaran na nga ba talaga ang pandurugas at paglalagay para umusad ang mga proseso ng gobyerno? Hindi na nga ba mawawala ang kahirapan? Maiiwan at maiiwan na lang ba tayo ng mga kapitbahay nating bansa? Wala na ba talagang pag-asang magbago?
Sa kapistahan ng isang Santong Pilipino, si San Lorenzo ng Maynila, pinapaalala sa ating lahat na walang imposible sa biyaya ng Diyos. Sa pagdiriwang natin ngayon tila baga sinasabi sa atin ni San Lorenzo, “Kung nakaya ko kaya nyo rin. Pilipino, kaya mong maging santo.” Pilipino, kaya mong magbago. Tulad ni San Lorenzo, kaya mong ialay ang iyong buhay para sa Diyos. Kaya mong maging tapat at matuwid. Kaya mong ibigay ang lahat para sa mabuti. Kaya mong magsakripisyo para sa tama. Kaya mong panindigan kung ano ang totoo. Pilipino, kaya mong magbago. Pilipino, kaya mong maging santo.
San Lorenzo, ipanalangin mo kami. Ipanalangin mo ang lahat ng Pilipino. Ipanalangin mo ang Pilipinas. Ipanalangin mong pangatawanan namin ang aming pananampalataya upang tulad mo maranasan namin ang tagumpay ng pagpapala ng Diyos.