21st Sunday, Ordinary Time
Kung papipiliin ko kayo: mahirap na daan o madaling daan? Sigurado ako pipiliin ninyo ang madaling daan. Kung papipiliin ko kayo: maluwag na daan o makipot na daan? Sigurado ako pipiliin ninyo ang maluwag na daan. Natural sa atin na piliin kung ano ang madali. Maging sa gawain man o sa pagpapasya sa buhay. Natural sa atin na maghanap ng short cut para mapabilis. Para hindi na mahirapan. Pero may paalala si Jesus sa ating ebanghelyo ngayon. Sabi niya, “Pagsikapan ninyong pumasok sa makipot na daan. Sinasabi ko sa inyo marami ang magpipilit na pumasok ngunit hindi makpapasok.” Hindi lahat ng madali ay mabuti. Easy is not always good.
Noong August 10 namatay ang isang paring malalim ang naging papel sa aking pagkapari - si Fr. Albert Meerschaert. Si Fr. Albert ay isang Belgian CICM missionary. Una siyang naging misyonero sa China. Nung naging malakas ang communist revolution pinatalsik mula sa China ang lahat ng mga misyonero. Kaya noong 1947 napunta siya ng Pilipinas. Naglingkod una sa Bayombong, Nueva Viscaya. Tapos pinadala sa Lipa, Batangas. Noong 1953 inilagay sa San Carlos Seminary sa Makati. Sa seminaryo, si Fr. Albert ay naging rector, prefect of discipline, professor, pero higit sa lahat spiritual director at confessor sa mga seminarista at sa mga pari’t obispong patuloy na bumabalik sa kanya. Hanggang magretiro siya noong 2004. Hindi na umuwi sa Belgium. Piniling manatili dito sa Pilipinas. Hanggang magkasakit at mamatay nitong August 10. Si Fr. Albert ay 95 years old; 51 years sa seminary; 71 years sa pagkapari. Fr. Albert was God’s grace to us.
Para sa akin si Fr. Albert ang halimbawa ng pagtahak sa makipot na daan. Kung pinili lang niya ang madali at maluwag na daan, hindi sana niya iniwan ang mayamang Europa para maging misyonero dito sa Pilipinas. Kung pinili lang ni Fr. Albert ang madali at maluwag na daan hindi sana siya nagtiyaga ng 51 taong paglilingkod sa iisang lugar lamang. Bagkus pinili ni Fr. Albert ang malayo sa kanyang sinilangang bayan; pinili ang maglingkod sa isang maliit na bansang Pilipinas; pinili ang magturo sa mga seminarista, magpayo at magpakumpisal.
Noong August 16 nagalay ng misa sa San Carlos Seminary para kay Fr. Albert. Napakarami naming paring dumating. Napakaraming monsignor. Merong mga obispo. Meron ding arsobispo. At lahat kami iisa lang ang laman ng puso - pasasalamat. Salamat dahil may isang taong hindi pinili ang madali at maluwag na daan. Salamat dahil may isang taong pinili ang makipot na daan ng pagsasakripisyo, paglilingkod at pagtiyatiyaga hanggang wakas. Fr. Albert chose the “narrow gate” of sacrifice, service and perseverance.
Mga kapatid, wala pong masama kung maghanap tayo ng mga paraan para maging madali at maginhawa ang ating buhay. Pero tandaan po natin na hindi lahat ng madali ay mabuti, dahil hindi lahat ng hirap ay masama. Ang hirap na dulot ng pagsasakripisyo dahil sa pagmamahal, ang hirap na dala ng wagas na paglilingkod at ang hirap na kasama ng pagityatiyaga upang maging tapat hanggang wakas ay mga hirap na magdudulot ng katuparan ng kabutihang loob ng Diyos sa atin at sa ating mga mahal sa buhay.