Saturday, November 28, 2009

May Simula sa Bawat Katapusan

First Sunday of Advent
November 29, 2009


Sa relihiyon ng Hinduism, ang relihiyon ng maraming tao sa India, meron silang diyos-diyosan na ang pangalan ay Kali, siya ang “goddess of death and destruction.” Nung nalaman ko ito ang tanung ko sa sarili ko, “Bakit ka naman lalapit sa diyosa ng kamatayan at pagkasira?” Ang mga lumalapit daw kay Kali ay iyong may mga gustong tapusin, iyong may mga gustong baguhin, iyong mga naghahanap ng bagong simula.

Marahil mas muunawaan natin ang mga pangaral ni Jesus tungkol sa katapusan ng mundo kung malinaw sa atin na sa bawat pagtatapos ay may isang bagong simula, sa bawat kamatayan ay may buhay.

Sa ebanghelyo ngayon, inilalarawan ni Hesus ang katapusang naghihintay sa daigdig, “mayayanig at mawawala sa kanilang landas ang mga planeta at iba pang katulad nito na nasa kalawakan.” Magkakaroon ng mga tanda sa araw at sa buwan at masisindak ang mga bansa dahil sa ugong at daluyong ng dagat. Sa mga pagbasa ng dalawang unang Linggo ng Adbiyento maririnig natin ang katotohanan na magugunaw ang mundo, na matatapos ang buhay at babalik si Hesus para sa paghuhukom, upang isang bagong simula ang sumibol, isang bagong mundo sa piling ng Diyos, isang bagong buhay sa kanyang pagmamahal. God ends something only to begin something new.

Hindi tayo naniniwala sa isang diyos-diyosang katulad ni Kali, subalit buo ang pananalig natin sa isang makapangyarihang Diyos, isang kapangyarihang nagmumula sa wagas at dakilang pagmamahal, isang pagmamahal na magkakaloob ng bagong simula sa bawat pagtatapos, magkakaloob ng buhay sa bawat kamatayan.

Kaya sa unang linggo ng Adbiyento ang paalaala sa atin ni Jesus, “Magalak at maghanda sa lahat ng oras.” Maging malakas upang malampasan ang lahat ng pangyayaring ito upang makaharap tayo sa Anak ng Diyos.

Sunday, November 22, 2009

Katotohanan at Pagmamahal

Solemnity of Christ the King
November 22, 2009

A king stands for power. Kakambal ng isang hari ang kanyang kapangyarihan. Saan galing ang kapangyarihan ni Kristo bilang hari? Hindi sa kanyang kaharian. Hindi sa kayamanan, o sa talino, o sa kaalaman, o sa galing. Bagkus, ayon sa ating ebanghelyo ngayon, ito ay galing sa kapangyarihan ng katotohanan – ang katotohanan ng wagas at dalisay na pag-ibig ng Diyos.

Makapangyarihan ang pag-ibig. Ang kapangyarihan ng pag-ibig ang nagbigay ng daan sa paglilingkod ni Hesus – nagpagaling sa mga mysakit, nagpatawad, nagtama, nangaral, nag-alay ng buhay sa krus, nag-aalay ng katawan at dugo sa Eukaritiya.

May mga tao na sinusunod natin dahil tinatakot tayo. May mga tao na sinusunod natin dahil binobolola tayo. May mga tao na sinusunod natin dahil sinasabi nila sa atin ang gusto nating marinig kahit mali at hindi totoo. Pero sinusunod natin si Kristo, siya ay ating Hari, dahil ramdam natin ang katotohanan ng kanyang pagmamahal. At ang pagsunod sa kanya ay pagtahak patungo sa tunay na kabutihan.

The kingship of Jesus is not a kingship of power. Rather, the kingship of Jesus is a kingship of truth and love. A truth that conquers all lies. A love that dispels all fears.

Bakit ka hinahangaan ng mga taong nakapaligid sa iyo? Dahil binobola mo sila? Bakit ka sinusunod ng mga taong nakapaligid sa iyo? Dahil tinatakot mo sila? Nasaan ang kapangyarihan ng wagas at dalisay na pagmamahal?