Feast of the Santo Nino
Fiesta ng Quiapo noong January 9. First time kong mag-misa sa Quiapo noong January 9, 10 ng umaga. Pagkatapos ng misa, lumabas kami ng simbahan at sumama sa napakaraming deboto ng Nazareno. Nakakakilabot po ang dami ng mga nagsisimba at nag-pruprusisyon sa piyesta ng Nazareno. Pero napansin marami din ang mga bata. Maraming pamilya ang nagpunta sa Quiapo bitbit ang kanilang mga anak. At mga naka-t-shirt pa ng Nazareno. Meron pa ngang isa naka-damit Nazareno din (yung kulay purple na parang sutana na may sinturon na lubid). Sabi ko sa sarili ko, hindi kaya sila natatakot na mawala ang mga bata sa dami ng mga taong nasa Quiapo? Hindi kaya nila naisip na mahihirapan ang mga bata sa paghihintay sa gitna ng init ng araw? Kung sabagay, mahalaga na bata pa lang namumulat na sila sa pananampalataya. Kaya sabi ko sa sarili ko, magpapatuloy ang debosyon sa Poong Nazareno dahil yung mga batang dinadala ngayon sa Quiapo sa kanilang paglaki, sila ang magtutuloy ng mga panata ng kanilang mga magulang. It is good to start them young.
Palagay ko iyan ang paala-ala ng pagdiriwang natin ngayon ng kapistahan ng Santo Nino. Ang pananampalataya ay nagsisimula sa pagkabata. Kung ano ang nakagisnan natin sa tahanan – pagrorosaryo, pagdarasal ng angelus, pagnonobena sa Perpetual Help, sa Sacred Heart, pangungumpisal, pagsisimba kung linggo, pagsama sa prusisyon, pagtulong sa mahihirap – madalas iyan ang ipagpapatuloy natin sa ating pagtanda.
Sa pagdiriwang natin ng kapistahan ng Santo Nino, ang batang si Jesus, pinapaalala sa ating lahat ang tungkulin nating magturo ng tamang pananampalataya, ng tamang pamumuhay ng isang anak ng Diyos, ng tamang paglilingkod ng isang Katoliko sa mga bata. Huwag na tayo lumayo, umpisahan natin sa mga anak ninyo, sa mga pamangkin ninyo, sa mga batang kasama ninyo sa loob ng tahanan, sa mga bata sa inyong looban, sa inyong eskinita, sa inyong kalye, sa inyong kapitbahayan. Hindi kumpleto ang pagiging Kristiyano natin kung hindi natin aakayin ang mga bata upang lumaking mabubuting Katoliko. Tandaan po natin sa pagtuturo sa kanila hindi kailangan magaling magsalita, dahil ang kaunaunahang paraan ng pagtuturo sa kanila ay sa pamamagitan ng mabuting halimbawa.
Jesus was a boy in Nazareth and there he grew in age, wisdom and was pleasing to the Lord. Responsibilidad nating lahat na ang mga bata ay lumaking kalugud-lugod sa Diyos. Amen.