Saturday, January 2, 2010

Ang Bituin sa Paglalakbay

Solemnity of the Epiphany of Our Lord
January 3, 2010



Kung babalikan natin ang kuwento ng Pasko may mahahalagang paglalakbay ang nangyari.

Noong Simbang Gabi, narinig natin ang tungkol sa paglalakbay ni Maria at ni Jose. Naglakbay sila patungong Bethlehem. Gabay nila ang pagpapakita ng anghel at ang tinig na nagsabi ng plano ng Diyos para sa kanila.

Noong bisperas naman ng Pasko, narining natin ang tungkol sa paglalakbay ng mga pastol. Naglakbay sila mula sa kanilang pastulan patungong sabsaban kung saan naroon ang Kristo, kasama ni Maria at Jose. Tulad ni Maria at Jose, gabay ng mga pastol ang pagpapakita ng anghel at ang tinig na nagsabi tungkol sa pagdating ng hinihintay nilang tagapagligtas.

Ngayon naman, narinig natin ang tungkol sa paglalakbay ng mga pantas, o ng mga mago, o tinatawag nating Tatlong Hari. Naglakbay sila mula malayong lupain, patungong Bethlehem kung saan natagpuan nila ang isang sanggol sa sabsaban. Gabay nila ang isang maningning na bituin. Walang nagpakitang anghel. Wala ring tinig na nagsabi kung ano ang plano ng Diyos. Ang tanging hawak ng Tatlong Hari ang pananampalataya sa kahulugan ng pagsikat ng isang natatanging bituin.

Sinasabi na ang buhay ng tao ay maituturing na paglalakbay. Kung gayon isang bagong paglalakbay ang ating nasimulan sa pagpasok ng isang bagong taon. At sa paglalakbay natin sa buhay na ito, mas katulad ng sa atin ang paglalakbay ng Tatlong Hari kaysa sa paglalakbay ng mga pastol, ni Maria at Jose. Sa paglalakbay natin wala namang nagpapakita sa ating anghel at wala rin namang tinig na nagsasabi kung ano ang plano ng Diyos sa atin. Pero merong liwanag, merong bituin – ang liwanag na nagmumula sa salita ng Diyos, sa turo ng simbahan at sa biyaya ng mga sakramento. Ito ang nagnining nating bituin.

Huwag po tayo maghanap ng mga anghel na magpapakita sa atin, o maghintay ng tinig na galing sa langit na magsasabi sa atin kung anong gagawin natin. Nasa atin na ang mga bituing magliliwanag sa daan ng ating paglalakbay – ang liwanag ng salita ng Diyos, ang liwanang ng turo ng simbahan, at ang liwanag ng biyaya ng mga sakramento.

This 2010 let us all resolve to love more the word of God. Let us resolve to learn more about the teaching of the Church. Let us resolve to understand and celebrate more meaningfully the sacraments. These are the stars that will illuminate our journey of faith.