Saturday, June 26, 2010

Oo na.

13th Sunday, Ordinary Time


If we do not know how to say NO, half-done is our YES to God. Kung hindi tayo marunong humindi, hindi kumpleto ang oo natin sa Diyos.

Lahat po tayo ay inaanyayahang sumunod sa Diyos. Makinig sa kanyang salita at isabuhay ang kanyang mga utos. At kapag sumang-ayon tayo sa paanyayang ito kailangan nating humindi sa mga bagay-bagay, kahit sa mga taong pipigil sa atin sa landas na ito.

Nung sumagot ako ng oo sa Diyos na magpari, kasabay nun ay ang paghindi sa pag-aasawa at sa pagkakaroon ng sariling pamilya. Hindi dahil mahirap ang may asawa. Hindi dahil ayaw kong magkaroon ng sariling pamilya. Hindi dahil napag-iwanan na ako ng panahon. Bagkus, magiging ganap lamang oo sa pagkapari kung hihindi sa pag-aasawa at sa sariling pamilya.

Nung sumagot ako ng oo sa paanyaya ni Cardinal Sin na maging parish priest ako sa kauna-unahang pagkakataon halos sampung taon na ang nakalilipas, kailangan kong humindi sa pag-aaral sa Roma. Hindi dahil ayaw kong mag-aral sa ibang bansa. Gusto ko nga eh. Kaya lang, kailangan kong humindi upang matupad ang nais ng Diyos para sa akin.

We need to learn to say no firmly if we want our yes to God to be full. Sometimes we are saying no to something good, but we still say no because saying yes to God is better, actually it’s the best.

Mga kapatid, sabi ni Hesus sa ebanghelyo ngayon, “Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos.” Ang sinumang mag-oo sa Diyos at hindi marunong humindi sa mga hindi maka-Diyos ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos. Huwag ng magpaikot-ikot. Huwag ng pagpaligoyligoy. Huwag ng lumingon-lingon. Huwag ng magdalawang isip. Huwag matakot. Dinggin ang paanyaya ni Hesus. Oo na. Sumunod na sa kanya.

Saturday, June 12, 2010

Pasasalamat at Paglilingkod

11th Sunday, Ordinary Time

There are numerous ways to express gratitude. Maraming paraan ng pagpapasalamat. Ang pinakamadalas nating ginagawa ay ang magsabi na tayo ay nagpapasalamat. Sa mga hindi makapagsabi, isinusulat; nagpapadala ng thank you card o ng thank you letter. Yung iba naman nagbibigay ng tribute o parangal bilang pasasalamat o nagbibigay ng regalo. Nung kami ay nasa Fatima, nagpunta kami sa isang museum kung saan naka display ang lahat ng mga iba’t ibang regaling pinadala sa Fatima bilang tanda ng pasasalamat. Merong korona, singsing, kwintas, rosaryo, kalis, monstrance at marami pang iba. At sabi sa amin marami pa raw ang nakatago sa bodega.

Sa ebanghelyo natin ngayon, nakita natin ang isang mahalagang paraan ng pagpapasalamat. Habang nasa isang salu-salo si Hesus, isang babae ang lumapit sa kanyang paa. Hinugasan ito ng kanyang luha. Pinunasan ng kanang buhok. Hinalikan at binuhusan ng pabango. Ito ay tanda ng malaking pasasalamat dahil sa pagpapatawad para sa isang malaking pagkakasala – pasasalamat sa pamamagitan ng paghuhugas ng paa. Alam natin na hinugasan din ni Hesus ang paa ng kanyang mga alagad. At sa pagkakataong iyon nalaman natin na ang paghuhugas ng paa ay isang paanyaya na maglingkod tulad ng paglilingkod ni Hesus. Kaya ang paghuhugas ng paa ni Hesus sa ebanghelyo ngayon ay isang pasasalamat ng babae sa pamamagitan ng paglilingkod.

Mga kapatid, ilang beses man nating sabihin sa Diyos ang pasasalamat natin, osna tanda ng pasasalamat natin sa Diyos ay ang buong pusong paglilingkod sa Diyos, buong pusong paglalaan ng oras, ng kakayahan, kahit ari-arian para sa Diyos.

Idalangin natin sa Diyos na ang ating pasasalamat ay umusbong sa paglilingkod at ang ating paglilingkod ay pagtibayin ng ating pasasalamat. Amen.